ni Jasmin Joy Evangelista | October 24, 2021
Nagbabala ang isang doktor laban sa mga sakit na maaaring makuha sa exposure o paliligo sa Manila Bay Dolomite Beach matapos itong buksan sa publiko.
Nitong mga nagdaang araw ay dagsa ang mga bumibisita sa dolomite beach na puno ng crushed dolomite na nagsisilbing parang white sand.
Ayon sa dermatologist na si Dr. Grace Beltran, mapanganib sa kalusugan ang dolomite sand dahil puwede itong magdulot ng sakit sa balat, allergy, at maaari ring sanhi ng sakit sa baga.
Ang Dolomite sand ay gawa sa crystalline silica na maaaring magdulot ng iritasyon sa baga at mauwi sa lung cancer.
''The dolomite sand is crystalline silica kaya puwede kang magkaroon ng irritation doon sa lungs... then eventually can also lead to lung cancer," ani Beltran.
"Aside pa dito kapag ikaw ay naka-ingest accidentally kasi syempre kapag nagsu-swimming ka o naglalangoy-langoy ka na doon, pwede mong ma-ingest yung water doon sa lugar na yun," dagdag niya.
Sa ngayon ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagligo sa dolomite beach bagama't marami ang nasita dahil sa pagtampisaw sa tubig.
Samantala, sinabi ng Manila Bay management na isasara ang dolomite beach tuwing Biyernes para sa maintenance nito. Lilimatahan na rin ang pagpapapasok dito upang maiwasan ang paglaganap ng COVID-19.
Ayon kay Jacob Meimban Jr., deputy executive director ng Manila Bay Coordinating Office, nagsasagawa sila ng adjustments tulad nga ng pagpapatupad ng isang araw na maintenance work.
"In the coming days, we will be putting the additional adjustments. Una diyan gusto namin ipaalam sa publiko na magsasarado po kami tuwing Biyernes ng buong araw. Bigyan niyo kami ng isang araw yung dolomite beach dahil sa libo-libong tao pumapasok," aniya.
Komentar