ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | August 05, 2021
Upang maging mas epektibo ang pagtugon sa krisis sa edukasyong dinaranas natin ngayon sa bansa, isinusulong ng inyong lingkod ang pagpapalawig sa kapangyarihan at papel ng mga punong guro sa bawat paaralan.
Sa Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na pinamumunuan ng inyong lingkod, ito ay ating tatalakayin sa panukalang muling pagkakaroon ng Congressional Oversight Committee on Education (EDCOM), kung saan layon nating suriin kung paano mapalawig ang awtoridad ng mga punong guro upang maging mas “flexible” sila sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mag-aaral.
Kung istrikto ang ating sistema ng edukasyon pagdating sa ilang tungkulin na dapat lamang ipatupad ng mga punong guro at hindi sila magiging “flexible”, mahihirapan silang tugunan ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral tungo sa dekalidad na edukasyon.
Ayon sa Philippines Public Education Expenditure Tracking and Quantitative Service Delivery Study (PETS-QSDS) na inilabas ng World Bank at Australian Aid noong 2016, nakikitang mas mahusay ang mga mag-aaral sa mga paaralang pinatatakbo nang maayos.
Base pa sa parehong ulat, ang mga pangunahing kahinaang nakikita ng mga punong guro ay may kinalaman sa awtonomiya ng mga paaralan. Lumalabas na madalas ireklamo ng mga punong guro ang paghihigpit sa paggamit ng mga pondo para sa pagpapatakbo ng mga paaralan.
Kabilang sa mga naturang paghihigpit ang paggamit ng pondo sa pagbili ng mga laptops, LCD projectors, at iba pang kagamitan para sa pagtuturo.
Bukod dito ay hirap din ang mga punong guro sa pamamahala ng maintenance and other operating expenses o ang MOOE. Ang rekomendasyon ng PETS-QSDS ay gawing mas simple ang pamamahala sa requirements ng mga pondong ito upang magkaroon ang mga punong guro ng sapat na panahon sa pamumuno ng paaralan.
Tinukoy din ng PETS-QSDS ang maaaring papel ng mga punong guro at governing council sa pag-monitor ng mga proyekto, lalo na pagdating sa imprastruktura. Inirekomenda rin ng pag-aaral ang iba pang karagdagang papel para sa mga punong guro tulad ng paggawa ng on-site reports sa lagay ng proyekto, pati na rin ang pag-apruba sa mga inspection reports at completion certificates.
Mahalagang suriin natin ang istruktura ng pamamahala sa mga paaralan at tingnan kung paano natin bibigyan ang mga punong guro ng ‘flexibility’ na tumugon sa mga suliranin. Naniniwala tayo na bahagi ng solusyon ang empowerment o pagpapalawig sa maaaring gawin ng ating mga punong guro. Gawin natin silang bahagi ng pagtugon sa krisis sa edukasyon at bigyan natin sila ng dagdag-kapangyarihan upang paigtingin ang kakayahan ng ating mga mag-aaral at edukasyon ng ating mga guro.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments