ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 3, 2024
Naging kontrobersyal ang P90 bilyon na sobrang pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na nakatakdang ibalik sa National Treasury. Pero mas marami ang nagulat nang maungkat natin sa pagdinig ng Senate Committee on Health kamakailan na meron pang reserve fund ang PhilHealth na aabot naman sa P500 bilyon!
Bilang chairperson ng naturang komite, hindi matanggap ng inyong Senator Kuya Bong Go na sobra-sobra ang pondo ng PhilHealth na hindi naman nagagamit pero napakaraming Pilipino ang naghihingalo at hindi makapagpagamot dahil walang pambayad sa ospital! Tandaan natin na alinsunod sa Universal Health Care Law, lahat ng Pilipino ay miyembro ng PhilHealth. Dapat gamitin nang tama ang sapat na pondo ng PhilHealth para mapakinabangan ng mga mahihirap na Pilipinong may sakit.
Naiintindihan ko ang trabaho ng ating finance managers kung bakit nila kailangang walisin ang mga natutulog na pondo sa iba’t ibang ahensya para magamit sa priority programs ng gobyerno. Kung legal man ito, morally para sa akin ay hindi katanggap-tanggap na ang pondong para sa kalusugan ay gagamitin sa ibang paraan habang maraming kababayan natin ang humihingi ng tulong pampagamot.
Kaya ang apela natin sa PhilHealth, gamitin ang kanilang pondo nang tama — taasan ang case rates, i-expand ang benefit packages, at irekomendang babaan ang kontribusyon ng mga miyembro lalo na’t may sapat na pondo naman pala sila.
Sa packages pa lamang ng PhilHealth, maraming buhay ang maililigtas kung magagamit ang pondo para ma-expand ang benefits tulad sa pagpapalawak ng dialysis treatments, mental health services, at Z-benefit packages para sa iba’t ibang severe illnesses.
Sana ay taasan rin ng PhilHealth ang coverage ng kasalukuyang case rates nito para lalo pang mabawasan ang out-of-pocket o dudukuting pera mula mismo sa bulsa ng pasyente. Bakit hindi nila dagdagan ang tulong pinansyal na makukuha ng mga pasyente mula PhilHealth sa Malasakit Centers?
Humigit-kumulang 10 milyong Pilipino na ang nakabenepisyo sa medical assistance mula sa Malasakit Centers na ating isinabatas noong 2019 na aking pangunahing ini-sponsor at iniakda sa Senado. Kung palalawakin ang benepisyo mula sa PhilHealth at tataasan ang case rates, hindi na sana kailangang pumila at magmakaawa pa ang mga may sakit para humingi ng tulong. Pera naman ng Pilipino ‘yan, dapat ibalik sa kanila sa pamamagitan ng maayos na serbisyo.
Tututukan din natin ang PhilHealth sa kanilang pangako na irerekomenda sa Pangulo na babaan ang premium contribution ng PhilHealth members. Bawat piso ay napakahalaga lalo na sa karaniwang Pilipino. Kaya babantayan natin ang binitawang mga salita ng PhilHealth at patuloy nating sisiguruhin na ang pondong para sa kalusugan ay magagamit sa mga programang pangkalusugan.
Habang inilalaban natin ang kalusugan ng bawat Pilipino, hindi naman tayo tumitigil sa paglalapit ng serbisyo ng gobyerno sa ating mga kababayan.
Nagkaloob tayo ng tulong para sa 5,000 mahihirap na residente ng Malabon City katuwang si Mayor Jeannie Sandoval noong July 31. Sa ating inisyatiba ay nakatanggap din ang mga benepisyaryo ng tulong pinansyal mula sa lokal na pamahalaan bukod sa ating ibinigay.
Naghatid naman tayo ng tulong at personal na pinangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa mga taga-Davao Oriental noong August 1 kabilang ang 267 maliliit na negosyante na biktima ng sunog o kalamidad noon na nagtipon sa Mati City kung saan nakatanggap sila ng livelihood kits mula sa DTI na ating isinulong. Sa pakikipagtulungan naman kasama sina Senator Robin Padilla at Senator Francis Tolentino, San Isidro Mayor Angel Go at Lupon Mayor Erlinda Lim, natulungan natin ang 1,500 mahihirap na residente ng San Isidro at 1,625 naman sa Lupon. Sinaksihan din natin ang turnover ceremony ng itinayong Super Health Center sa San Isidro.
Kahapon, August 2, ay nasa Boston, Davao Oriental tayo at sinaksihan ang turnover ceremony ng bagong Super Health Center doon. Pinangunahan natin ang pagkakaloob ng tulong para sa 3,000 mahihirap na residente katuwang sina Mayor Rowell Rosit, Vice Mayor JP Lampig at Cong. Nelson Dayanghirang.
Kahapon din ay nai-turnover ang itinayong Super Health Center sa Maitum, Sarangani na sinaksihan ng aking tanggapan. Isinagawa naman ang groundbreaking ceremony ng itatayong Super Health Center sa Libon, Albay.
Patuloy din ang aking Malasakit Team sa pag-alalay sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis. Namahagi tayo ng food packs sa mga naging biktima ng Bagyong Carina kabilang ang 800 sa Ilocos Sur; 1,300 sa Bulacan; at 300 sa Marikina City.
Hindi natin kinaligtaang suportahan ang mga nawalan ng hanapbuhay tulad sa Camarines Norte kung saan natulungan natin ang 65 sa Sta. Elena katuwang si VM Ryan Mendoza; 65 sa Capalonga kasama si VM Marcia Esturas; 65 sa Basud kaagapay si VM Ramir Barrameda; 65 sa San Lorenzo Ruiz katuwang si VM Arnulfo Bacuño; at 171 sa Daet kasama sina VM Godfrey Parale at Councilor Jose Angelo Coreses. Sa Morong, Bataan ay 84 ang ating natulungan katuwang si Mayor Sidney Soriano. Sa Pangasinan, naalalayan ang 98 sa Basista kaagapay si Mayor Jr Resuello; 100 sa Lingayen katuwang si VM Dexter Malicdem, at 100 sa Binmaley kasama si Councilor Amelito Sison. Natulungan din ang mga kapwa ko Batangueño kabilang ang 128 sa Mataas na Kahoy katuwang ang kanilang walong konsehal; at 224 sa Lipa City kaagapay ang 14 na barangay captain ng lungsod. May 59 din sa Sudipen, La Union kaagapay si Cong. Francisco Ortega. Sa ating inisyatiba, nabigyan ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ng pansamantalang trabaho mula DOLE.
Naayudahan din natin ang mga maliliit na negosyante sa Masbate City kabilang ang 24 residente katuwang sina Board Member Allan Cos at Mayor Socrates Tuason.
Tumulong naman ang aking tanggapan sa mga mahihirap na residente gaya ng 1,239 sa Janiuay, Iloilo kaagapay si VM Corel Locsin Yap; at 800 sa Laur, Nueva Ecija katuwang si Cong. GP Padiernos. Nagpatuloy ang tulong sa barangay health workers at nutrition scholars sa Mati City, Davao Oriental katuwang si Gov. Niño Uy.
Binalikan natin at tinulungan ang 230 na naging biktima ng flash flood sa Talisay City, Negros Occidental. Nakatanggap din sila ng emergency housing assistance mula sa NHA sa ilalim ng programang ating isinulong para may pambili sila ng mga materyales sa pagtatayong muli ng kanilang tahanan.
Minsan lang tayong dadaan sa mundong ito, kaya kung anong kabutihan ang puwede nating gawin sa ating kapwa, gawin na natin ngayon. Sa abot ng aking makakaya ay magseserbisyo ako sa aking kapwa Pilipino saan mang sulok ng bansa. Bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comentarios