ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | October 29, 2021
Halos matatapos na ang taon, hindi pa rin matapus-tapos ang mga lockdown para kontrolin ang COVID-19 pandemic sa bansa. Bakit ba palaging ito ang takbuhan natin na solusyon sa pagkalat ng virus?
Bagama’t may magagandang bunga naman ang mga lockdown para makontrol ang virus, pagod na ang mga tao sa sistemang lockdown. Malaking abala sa buhay natin, trabaho at ekonomiya ang mga lockdown na ‘yan! Dapat tayong masanay mamuhay kasama ang virus!
At kahit ‘ika nga bumababa na ang kaso ng impeksiyon, lalo na’t dumarami na ang nababakunahan, patuloy pa rin ang lockdown. ‘Santisima! Aba, eh, nakakaumay na. Take note, tayo ang isa sa mga bansang may pinaka-mahabang lockdown kontra sa COVID-19. Sa ganang atin, over na ito, OA na!
Tanong lang natin, paano na lang tayo lalo na ang mahihirap nating kababayan? Mind you, ‘ika nga ng mga Bisaya, “Hurot na ang bulsa o wala nang mahuhugot si Juan para may maipakain sa kanyang pamilya kasi nga naiipit ng mga lockdown, ‘di makatrabaho!”
Saka pati ekonomiya natin, pabulusok na talaga. Reminder, bilang chairman ng Senate committee on economic affairs, need na nating ibangon ang ating ekonomiya. Marami na ang dumarating na bakuna at dumarami pa ang mga bakunado!
It’s about time na baguhin na natin ang sistemang ‘to ng lockdown sa pagkontrol sa COVID-19. ‘Ika nga ni Aling Nena, kailangan na nating kumayod, kumita para makabawi ng kaunti at makaahon sa tindi ng krisis na dulot ng pandemya!
IMEEsolusyon dito, stop na ang mga lockdown! Baguhin na natin ang estratehiya, paano? Sa halip na lockdown, ang COVID-19 testing capacity ng ating bansa ang paigtingin at siguradong maaga nating matutukoy ang mga may kaso ng impeksiyon at maagap silang maihihiwalay.
Pero para umusad ang pinaigting na testing capacity ng bansa, seryosohin nating mapondohan ito sa badyet para sa susunod na taon, ‘di ba? Ang mga lockdown, nakokontrol lang ang COVID-19, pero hindi naman ganap na nasusugpo. Puspusang testing ang kailangan para mapigilang kumalat ang virus.
Comentarios