top of page
Search
BULGAR

Palakasin ang Healthcare System kasabay ng paglaban sa COVID-19

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | January 28, 2022



Ngayong patuloy nating nilalabanan ang COVID-19, hindi rin dapat mailayo sa ating isipan kung paano mas mapalalakas pa ang healthcare system sa bansa. Kailangan nating paghandaan kung sakaling may katulad na mga pandemyang darating sa mga susunod na taon.


Isa sa mga dapat nating tutukan ang kakulangan ng kagamitan — tulad ng mga kuwarto at kama — sa mga pampublikong ospital. Sa tuwing nag-iikot tayo para makita ang kalagayan ng mga Pilipino at ng bansa, nakapanlulumo makita na ang ilang ospital ay napipilitang maglagay ng mga pasyente sa corridor ng mga pagamutan. Meron ding mga pasyente na naghahati sa iisang kama.


Dahil dito, hindi lang kalusugan at seguridad ng pasyente ang nalalagay sa peligro, kundi pati na ang buhay ng mga healthcare workers. Kaya nitong linggo, ipinaglaban natin ang ilang panukala na tutugon sa pagpapalakas ng mga health facilities. Nagpapasalamat tayo sa ating mga kasamahan sa Senado dahil kahapon, Enero 27 ay inaprubahan sa second reading ang mga panukalang ito.


Ilan sa mga panukala na isinulong natin ay ang pagko-convert sa mga sanitariums bilang general hospital, tulad ng Cotabato Sanitarium para maging Cotabato Sanitarium and General Hospital; Sulu Sanitarium para maging Sulu Sanitarium and General Hospital; at Western Visayas Sanitarium para maging Western Visayas Sanitarium and General Hospital.


Naghain din tayo ng mga batas na magtataas ng bed capacity ng Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center, Ilocos Training and Regional Medical Center, Northern Mindanao Medical Center, at Vicente Sotto Memorial Medical Center.


Isinulong din natin ang mga panukala na mag-a-upgrade sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital para maging isang general and subspecialty hospital na tatawaging Bicol Regional Hospital and Medical Center, at sa Don Jose S. Monfort Medical Center Extension Hospital para maging isang tertiary hospital na tatawaging Don Jose S. Monfort Medical Center.


Kasama nito, inihain din natin ang mga batas na magtatatag ng mga bagong DOH hospitals, tulad ng Southern Luzon Multispecialty Medical Center, Northwestern Cagayan General Hospital, Ilocos Sur Medical Center, Joni Villanueva General Hospital, Northeastern Misamis General Hospital at Samar Island Medical Center.


Noong Martes, naipasa rin sa second reading sa Senado ang Senate Bill 2421 na naglalayong patuloy na makapagbigay ng allowance, compensation package at iba pang benepisyo para sa mga public at private healthcare workers na nakikipagbakbakan sa COVID-19. Isa tayo sa mga author at co-sponsor nito. Bahagi ito ng ating suporta, pasasalamat at pagkilala sa kanilang dakilang sakripisyo bilang mga frontliners sa kasalukuyang pandemya.


Bukod sa ating mga tungkulin sa Senado, hindi rin natin nakakalimutan ang ating mga kababayan na lubhang naapektuhan ng pandemya at kalamidad sa iba’t ibang panig ng bansa.


Nitong nakaraang linggo, nag-abot tayo ng tulong sa 562 na benepisaryo sa Davao City.


Namigay din tayo ng tulong sa 852 na residente ng Licab, Carranglan, Cuyapo, Talavera, at


Muñoz City, Nueva Ecija. Ang Department of Social Welfare and Development naman ay nagbigay din ng kaukulang ayuda mula sa kanilang mga programa.


Mayroon din tayong mga kababayang nabiktima ng sunog sa iba’t ibang lugar na ating inabutan ng tulong. Ilan dito ang 73 benepisaryo sa Pasig City; 14 sa Teresa at pito sa Angono sa probinsiya ng Rizal; at 31 pamilya sa Zamboanga City.


Sa ating mga kababayan, patuloy din dapat ang ating ibayong pag-iingat. Sa kasalukuyang datos ng Department of Health, naitala ang higit 15,000 na bagong kaso ng COVID-19 sa bansa noong January 26. Ito ay mas mababa kaysa sa mga nakaraang araw at linggo kung saan nagtala tayo ng mahigit 20,000-30,000 bagong kaso sa isang araw. Maaga pang sabihin na pababa na ang trend ng mga bagong kaso, ngunit sana’y hindi na makakaapekto pa ang Omicron variant, lalo na’t halos kalahati na ng ating populasyon ay bakunado na.


Ipinapaalala rin natin sa lahat ang ating patuloy na pakikiisa sa mga hakbang ng gobyerno.


Sundin ang mga itinakdang health protocols bilang proteksiyon sa sarili at sa ating mga mahal sa buhay. Huwag tayong magkumpiyansa dahil and’yan pa ang banta ng kalabang hindi


nakikita, kasama na ang mga bagong variant at sub-variant ng COVID-19.


Naniniwala tayo sa pagtutulungan, pagmamalasakit sa kapwa, at pakikiisa sa bayanihan, malalampasan natin ang mga pagsubok na ito at maipagpapatuloy ang pag-unlad ng ating bansa.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page