ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 9, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Alona na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Palagi akong nananginip sa aking naging dating kasintahan. Hindi kasi maganda ang naging paghihiwalay namin dahil may nalaman akong pinaggagawa niya na gumagamit siya ng itim na mahika at sigurado ako na gumagamit siya ng gayuma.
Inobserbahan ko ang mga kilos niya nang mahigit isang taon, pero palagi ko siyang napapanaginipan at paminsan-minsan ay naaamoy ko siya. Nanaginip din ako na may nakita akong mga tao sa sementeryo, ‘yung dalawang lalaki ay nakatalikod, ‘yung dalawang babae naman ay nakatingin sa akin at ‘yung isang babae ay may hawak na itim na kandila.
Sana ay malaman ko ang kahulugan ng mga panaginip kong ito para matahimik na ang aking isipan.
Naghihintay,
Alona
Sa iyo, Alona,
Ang “Itim na Mahika” o “Black Magic,” mayrooon ba nito? Parang mayroon dahil ang nakasulat sa Sagradong Aklat na naging kasaysayan ni Moises ay sa kanyang pakikipaglaban sa mga mangkukulam sa Ehipto, siya ay gumamit ng Divine Magic at ang mga mangkukulam na kalaban niya ay gumamit naman ng Black Magic.
Kaya totoo ang dalawang sangay ng mahika dahil hindi naman puwedeng sabihin na ang nakasulat sa Bible ay mga kasinungalingan.
Pero tayong mga Pinoy, madalas na ligaw na ligaw ang ating paniniwala. Inaakala natin na black magic ang ginagawa ng iba dahil ang mga ito ay kakaiba. Akala din natin, dalawa lang ang klase ng mahika, pero ang totoo, hindi lang dalawa ang uri ng mahika dahil may iba pang mahika.
At ang isa pang klase ng mahika ay ang “Natural Magic”, na tinatawag ding Mahika ng Kalikasan.
Ano ba ang pagkakaiba ng tatlong nasabing mga mahika? Ganito ‘yan:
Ang Divine Magic ay ginagawa ng mga taong banal na may malakas na espirituwalidad. Ang Black Magic naman ay ginagawa ng mga taong sumasamba kay Satanas na sobrang sama ng espirituwalidad.
Ang Natural Magic ay ginagawa naman ng mga Pantas, sila ang mga tao na alam ang sikreto ng kalikasan, kaya sila ay masasabing mataas ang antas ng karunungan.
Samantala, mabalik tayo sa panaginip mo kung saan inobserbahan mo pala ang dating kasintahan mo, pero nakita mo ba siyang sumasamba kay Satanas?
Gumagamit ba siya ng Krus na Baliktad? Minumura ba niya si God? May altar ba siya na ang mga nakalagay ay imahe na may mga sungay? Sobrang hilig ba niya sa sex at may kakaibang ginagawa ba siya na may kinalaman sa kanyang sex life o sobra ba siyang makamundo?
Kung hindi naman, huwag kang magagalit dahil siya ay hindi nagpa-practice ng Black Magic. Kung ganu’n, ano ‘yung mga nakita mo na kakaiba nang siya ay obserbahan mo?
Ang nakita mo ay ang ginagawa ng mga taong nag-aakala na Black Magic ang kanilang pinaggagawa, eh sa totoo lang, akala lang niya ‘yun.
Maraming Pinoy ang ganu’n. Akala nila ay Black Magic ang kanilang kaalaman, pero ang totoo, muli, hindi naman.
Hindi ba, iha, may tinatawag na “Diyos-diyosan?” Ito ang mga Diyos na hindi tunay, kaya nga Diyos-diyosan ang tawag sa kanila. May tinatawag na Bulaang Propeta, at sila ay hindi naman tunay na propeta. May mga tunay na balita at sa panahon ngayon, marami ring fake news sa internet at social media. At tulad ng nakita mo sa dating kasintahan mo, ‘yun ay fake na Black Magic, kumbaga, parang totoong Black Magic, pero hindi pala.
Kaya nga ang panaginip mo ay nagsasabi ng isang katotohanan na ang iyong dating kasintahan ay nasa puso mo pa rin. There is a part in your heart na siya pa rin ang nakalagay at ang bahaging ito sa puso mo ay tumitibok-tibok at nagsasabing mahal mo pa rin siya.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comentários