ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | May 18, 2022

KATANUNGAN
Naaksidente ako sa motor noon, pero magaling na ako ngayon. Sabi ng girlfriend ko, ‘wag na akong magmotor ulit dahil baka mabalo pa siya, hindi pa man kami mag-asawa.
Maestro, gusto kong malaman kung nakikita ba sa guhit ng palad kung ang isang tao ay mamamatay sa pagmo-motor? Dahil kung hindi naman aksidente ang ikakamatay ko, halimbawa ay sakit o kantandaan, okey lang na mag-motor ulit ako.
Sana ay masuri n’yo ang kaliwa at kanan kong palad kung mahaba pa ang buhay ko at kung sa katandaan ako mamamatay.
KASAGUTAN
Tama ang girlfriend mo, dapat mo nang itigil ang pagmo-motor. Ito ang nais sabihin ng malaking island o bilog sa Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Sa Traditional Palmistry, ang tawag d’yan ni Cheiro sa island o bilog sa Head Line (arrow a.) ay “head injury”, na nangangahulugang mababagok ang iyong ulo dahil sa isang aksidente, na kung nagkataong maikli rin ang iyong Life Line (Drawing A. at B. L-L arrow b.), na may sumibat pang Guhit ng Aksidente (A-A arrow c.) na lalong nagpalabo o nagpagulo sa nasabing Life Line (arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, posibleng maganap ang kinatatakutan ng girlfriend mo.
Dahil sa pagmo-motor, may tendency na muli kang maaksidente, pero kung pangalawang aksidente pa lang ‘yun, buhay ka pa rin at maging sa ikatlo, pero sa ikaapat, ang destiny number mong 4 ang nagsasabing may posibilidad na sa ikaapat na aksidente sa pagmo-motor, ‘yun na rin ang magiging huli – tuluyan mo nang iiwan ang nobya mo na mahal na mahal ka pa naman.
MGA DAPAT GAWIN
Naiiwasan ba ang nakatakdang kapalaran? Ang eksaktong sagot, oo naman, hanggang nagtataglay ka ng will power. Bukod pa rito, puwede ring maiwasan ang kapalaran kung katulad ka ni Abraham dahil kinulit niya ang Diyos.
Sabi niya, “Kung may 50 matuwid sa lunsod?” Sumagot si Yahweh, “Hindi ko ipapamahak ang lunsod dahil sa 50 matuwid – hindi ko gugunawin.” Ani Abraham, “Kung wala pong 50, sa halip ay 45 lamang, wawasakin n’yo pa rin ba ang lunsod?” Sumagot si Yahweh, “Hindi ko wawasakin dahil sa 45 na matuwid!” “Eh, kung 40 lamang?” Tanong ulit ni Abraham, “Hindi ko wawasakin,” sagot ni Yahweh. “Huwag po kayong magagalit,” ani Abraham, “Paano kung 30 lamang?” “Hindi ko pa rin wawasakin,” sabi ni Yahweh. “Kung 20 lamang ang matuwid na naru’n?” Pangungulit ni Abraham kay Yahweh, sumagot si Yahweh, “Hindi ko pa rin wawasakin!” Sa katapusan, sinabi ni Abraham, “Ito na po, kung 10 lamang ang matuwid na sa lunsod?” “Hindi ko pa rin wawasakin ang lunsod dahil sa 10 matuwid,” tugon ni Yahweh. Pagkasabi nito, umalis na siya upang maghanap ng 10 matuwid sa nasabing lunsod. (Genesis: 18: 16-33).
Sa madaling salita, kapag kinulit mo si Yahweh, puwedeng pagbigyan ka niya, na tila nagtatawaran kayo sa presyo ng isang paninda. Ang ikinaganda lang kay Yahweh, kung ikukumpara sa nagtitinda ng isda, tulad ng ginawa ni Abraham, kahit baratin mo siya nang todo, payag siya dahil ang unang presyo ay 50 at nauwi sa 10. Ganu’n ang kapangyarihan ng pangungulit sa Diyos. Kung may makulit ka talagang ugali at matuwid na pamumuhay, at kahit nakatakda ang kapalaran, posibleng pagbigyan ka ni Lord na baguhin ang nakatakda dahil makulit ka at maaaring tulad ni Abraham na mahal niya.
Samantala, dahil sa pagmamaneho ng motor ang iyong “signos”, Mr. Easy Rider, hindi masamang umiwas-iwas ka muna sa pagsakay-sakay sa motor upang hindi mangyari ang kinatatakutan ng iyong nobya na hindi pa man kayo kasal ay baka nga mabalo na siya.
Comments