ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | Marso 7, 2024
KATANUNGAN
Maestro, itatanong ko lang sana kung maiiwasan ko pa ba ang babaeng kasamahan ko sa trabaho? May asawa na ako, pero nagkaroon kami ng relasyon ng katrabaho kong dalaga, at ramdam ko na gustung-gusto niya ako. Sa ngayon, paulit-ulit pa rin na may nangyayari sa amin at natatakot ako na baka tuluyan ko siyang mabuntis.
Ang hindi ko lubos maisip kung bakit ako nagustuhan ng babaeng ito gayung may mga binata naman kaming katrabaho?
Ang iniisip ko ngayon ay baka mabuntis siya, bukod kasi sa ayokong magkaanak sa labas, natatakot din ako na baka matuklasan ng misis ko ang lihim naming relasyon, at baka masira pa ang pamilya namin.
May pag-asa pa kayang maiwasan ko ang babaeng ito? Nakaguhit din ba sa aking palad ang magkaroon ng broken family kung sakaling dumating sa puntong matuklasan ng misis ko ang lihim naming relasyon?
KASAGUTAN
Kung hindi buo ang loob mo sa pambababae na ginagawa mo ngayon, Clarence, mas mabuti pang tigilan n’yo na ‘yan, dahil sa bandang huli kapag nagkahulihan, ikaw lang din ang lalabas na kaawa-awa at luhaan.
Alam mo ‘yung mga lalaking nambababae, bago pa nila gawin iyon, tantsado na nila kung paano sila magpapalusot sa kani-kanilang asawa kung sakali mang magkahulian.
“Hindi bagay sa iyo ang pambababae” – ito ang nais sabihin ng magkasamang Head Line at Life Line (Drawing A. at B. H-H at L-L arrow a.) ng mahigit isang pulgada. Ibig sabihin, sa tanang buhay mo, kung tutuusin ngayon ka pa lang natutong gumawa ng kalokohan, kaya hindi mo naisip kung ano ang kahihinatnan nito, na sa bandang huli, dahil hindi ka nga marunong gumawa ng pagkakamali at hindi mo nakasanayang manloko ng iyong kapwa, mahuhuli ka talaga na maaaring ikasira ng pamilyang iniingat-ingatan mo, ito ang nais sabihin ng nawasak at nagulong Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Gayunman, mabuti na lang at nanatili pa ring matino ang kaisa-isa at maayos pa ring Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na matapos kang mahuli ng iyong misis, pansamantalang magugulo ang sistema at kaayusan sa buhay ng iyong pamilya, pero tulad ng pangkaraniwang pagsubok na dumarating sa buhay ng isang mag-asawa, malulusutan n’yo rin lahat iyan, hanggang sa muli kang patawarin ng iyong asawa.
MGA DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, Clarence, ngayon pa lang paghandaan mo na ang magaganap, dahil paniguradong sa malapit na hinaharap mabibisto rin ni misis ang ginagawa mong pambababae, pero tulad ng nasabi na, sa umpisa lang kayo maghihiwalay, dahil sa bandang huli, sa sandaling nakiusap at nagmakaawa ka sa kanya na hindi mo na uulitin pa ang iyong pambababae, tulad ng naipaliwanag na, muli kang tatanggapin ng iyong misis upang muling mabuo at maging maligaya ang inyong pamilya.
Sa parte mo naman, pakiusap ‘wag ka na muling mambabae tulad ng ginagawa mo ngayon. Ang isa pang mas mahalagang dahilan, tunay ngang ayon sa iyong mga datos, hindi talaga bagay sa pagkatao mo ang pambababae, nangyaring ganu’n dahil sa pambababae ay hindi ka naman talaga magiging maligaya at sa halip na sarap, ang aanihin mo lang ay sakit ng ulo at dagdag na problema.
Commentaires