ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | April 16, 2021
KATANUNGAN
Magda-dalawang taon na ang mister ko sa abroad at may dalawa kaming anak na nasa elementary pa. Ang problema, habang wala siya ay natukso akong makipag-text sa isang binata hanggang sa na-in love ako at naging boyfriend ko siya. Dumating ang point na hindi ko na napigil ang aking sarili na makipagkita sa kanya hanggang sa may nangyari na sa amin.
Sa ngayon, gusto ng boyfriend ko na iwanan ko na ang aking asawa at magsama na kami. Isama ko na raw ang aking mga anak, magpakalayu-layo kami at mamuhay sa probinsiya na hindi nang kami masusundan pa ng aking asawa.
Ang problema, malapit nang umuwi ang mister ko, kaya litung-lito ako ngayon kung ano ang dapat kong gawin. Sino ba sa dalawang lalaking ito ang nasa guhit ng aking palad na nakatakda kong makasama habambuhay?
KASAGUTAN
Wala kang dapat gawin ngayon kundi iwasan ang textmate mo kung saan sa kasalukuyan, masasabing hindi pa naman huli ang lahat upang magbagong buhay ka. Iwasan at iwanan mo na ang iyong boyfriend habang hindi pa natutuklasan ng iyong mister ang inyong ginagawa.
Sa ganyang paraan, matutupad ang kaisa-isang medyo gumulo o nabaluktot, pero naayos at tumuwid ding Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kung aayos ka ng kilos ngayon, magpapakatino at hindi na makikipagkita o makikipag-usap pa sa boyfriend mo, maiiwasan na ang napipintong pagkawasak ng inyong pamilya.
MGA DAPAT GAWIN
Tandaang kapag pag-ibig ang pag-uusapan, hindi dapat sinasangkalan ang nasabing salitang “pag-ibig” sa ka-immoralan. Ang hindi ko kasi lubos maisip, kung true love o tunay na pag-ibig ang nadarama ng isang nangangaliwa o nanloloko ng asawa, (na kaya niya raw ito ginagawa ay na-in love kasi siya), para bang lumalabas na ang pag-ibig palang ito ay medyo o likas na immoral at illegal?
Habang, ayon sa iyong mga datos, Ms. X, kung mananatili ka sa pakikipagrelasyon sa boyfriend mo ngayon habang ikaw ay may asawa, higit na mananaig ang pagkabaluktot at pagiging magulo ng iyong Marriage Line (1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Subalit kung susupilin at isasakripisyo mo ang iyong hangal na damdamin alang-alang sa iyong mga anak at minamahal mong pamilya, mas mananaig ang natuwid at naayos na Marriage Line (arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad — pag-uwi ng iyong asawa mula sa abroad, mas magiging maganda at masaya, dahil may dadatnan siyang isang maligaya at buo pa rin at panghabambuhay na pamilya.
Comments