ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | November 12, 2022
KATANUNGAN
May trabaho ako ngayon bilang computer technician sa isang tindahan ng computer. Masaya naman ako rito kahit minimum ang suweldo dahil sapat naman ‘yun para sa akin dahil binata ako.
Ang problema, nang mag-reunion kami ng mga kaklase ko nu’ng college, nabalitaan ko na ‘yung iba sa kanila ay nakapag-abroad at magaganda na ang buhay, kaya sabi sa akin ng isang kaklase ko ay isasama at tutulungan niya akong makapagbarko. Sa shipping agency kasi siya nagtatrabaho at ako naman ay nakatapos ng kursong Marine Engineering.
Nais kong malaman kung may maganda bang Travel Line sa aking mga palad at kung sakaling maisipan ko ring magbarko at tanggapin ang alok ng kaklase ko, magtatagumpay at uunlad ba ako sa pagbabarko?
KASAGUTAN
Hindi masamang maghangad na umunlad o yumaman, lalo na kung ngayon pa lang ay paplanuhin mo ang iyong future o retirement plan. Archie, pagkakataon mo nang umasenso at hindi mo ito dapat sayangin o palagpasin pa, kaysa nagtitiyaga ka sa kasalukuyan mong trabaho na maliit ang suweldo at hindi ikayayaman o ikauunlad ng pamilya mo. Oo, hindi ka makakaipon d’yan at walang magiging magandang future kung sakaling ikaw ay magtatayo ng sarili mong pamilya o dumating ang panahon ng iyong retirement, kaya mas mabuti na mag-abroad ka.
Ito ang nais sabihin at pinapagawa sa iyo ng malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na ang pinakamabuti at dapat mong maging desisyon ay sumunod sa mungkahi ng iyong kaibigan o kaklase na nagtatrabaho sa barko, upang sa tulong niya, maging lehitimong seaman ka, gayung sabi mo ay nakatapos ka ng Marine Engineering.
Ang pag-aanalisang makakapag-abroad at makakapagbarko ka ay madali namang kinumpirma ng birth date mong 23 o 5 (2+3=5). Tanda na sa pangingibang-bansa, mas uunlad at aasenso ka, na dapat mong gawin ngayon hangga’t bata ka pa.
Pansinin ding kusang sumabay at tuluyang nakiisa sa Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.) ang Guhit ng Kaibigan o Influence Line (K-K arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad, kung saan nag-anyo na parang dalawa ang iyong Fate Line (arrow b. at c.). Ito ay tanda na sa tulong ng mga kaibigan, sigurado na ang magaganap – makakasampa ka sa barko, magiging seaman at mararating mo ang iba’t ibang bahagi ng karagatan sa iba’t ibang panig ng mundo habang patuloy ding lumalaki ang iyong kinikita.
MGA DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, Archie, kung tatanggapin mo ang alok ng iyong kaklase na mag-apply sa shipping company na pinapasukan niya, tiyak na sa susunod na taong 2023 at sa buwan ng Abril o Hunyo, tulad ng mga kaklase mo, makakasampa ka sa barko.
Sa sandaling nakapag-abroad ka, mas mabilis na aangat ang iyong career at lalago ang iyong kabuhayan. Kapag nagkapamilya ka na, tuloy-tuloy na ring uunlad at aasenso ang kabuhayan ng itatayo mong pamilya, hanggang sa panahon ng iyong pagtanda o retirement age.
Comments