Palad ng bebot na makapag-aasawa kahit nasa 30s na
- BULGAR
- Mar 19, 2022
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | March 19, 2022

KATANUNGAN
Ang isasangguni ko ay tungkol sa pagiging single ko hanggang ngayon. Gusto kong malaman kung makakapag-asawa pa ba ako at kung oo, kailan naman ito?
Ayon sa aking mga palad, saan ko matatagpuan ang aking mapapangasawa? Gayundin, ano pa ang importante kong dapat malaman sa aking mga palad?
KASAGUTAN
Ang dapat mong malaman sa kaliwa at kanan mong palad ay ang magkahiwalay na Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) at Life Line (Drawing A. at B. L-L arrow b.), na nangangahulugang malakas ang iyong loob. At ang lakas ng loob na ‘yan ang magiging susi upang ikaw ay makapag-asawa at makasumpong ng maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.
Gayundin, ang malinaw na dalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow c. at d.) na bagama’t medyo huli na nang ito ay sumulpot, tumubo at lumago, isang malinaw na indikasyong hindi ka dapat matakot tumandang dalaga dahil siguradong may darating na dalawang pag-ibig o pakikipagrelasyon sa iyong buhay.
Pangatlo, ang namataang island o bilog sa kaliwa at kanang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow e.) na nagpapahiwatig na bago ka makapag-asawa, makakaranas ka muna ng kasawian, kalungkutan o kabiguan sa pag-ibig. Ito ang magpapahiwatig sa iyo na malapit ka nang makapag-asawa dahil pagkatapos ng nasabing kasawian o kalungkutan sa pag-ibig, lulutang ang lalaki na makakasama mo sa buhay.
Pang-apat, ang kaliwa at kanan mong palad ay manipis o hindi masyadong makapal. Alam mo, kahit hindi salatin ang palad, makikita ang pagiging manipis nito o hindi masyadong malaman. Ito ay malinaw na tanda na kaya hindi ka nakapag-aasawa o hindi nakakaranas ng masaya at panghabambuhay na relasyon, ikaw ay sakbibi ng lungkot at negatibong kaisipan. Ibig sabihin, sinasayang mo ang lakas ng iyong loob sa pesimista mong kaisipan.
Upang magapi ang pagiging negatibo o palaging nakatingin sa pangit na bahagi ng buhay, mula ngayon, ayon na rin sa birth date mong 15 at zodiac sign na Aries, palagi kang magsuot o gumamit ng kulay na pula. Hangga’t maaari, kailangan ding mayroon kang alahas o singsing na may pulang bato o hiyas. Ang nasabing alahas ang hihigop ng suwerte at magandang kapalaran sa larangan ng pag-ibig at pakikipagrelasyon.
DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Maristella, sa sandaling nagawa mo na ang nasabing mga mungkahi sa itaas, tiyak ang magaganap. Ayon sa iyong mga datos, kahit sinasabi pang karamihan sa mga babaeng tumatandang dalaga ay may birth date o naiimpluwensiyahan ng mga numerong 6, 15 at 24, sa taong 2024 at sa edad mong 33 pataas, hindi pa huli ang lahat dahil makapag-aasawa ka at magkakaroon ng maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.
Comments