top of page
Search

Palad ng bebot na magiging kabit forever

BULGAR

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | May 13, 2022




KATANUNGAN

  1. Iisa lang ang nakikita kong Marriage Line sa aking mga palad, tapos baluktot at magulo pa. Ibig sabihin ba nito, habambuhay na akong magiging kerida at hindi na makakasumpong ng maayos at masayang pamilya na maituturing kong akin at ‘di tulad ngayon na nakikisosyo lang ako sa asawa ng iba?

  2. Kung sadyang ganito ang kapalaran ko, may kakayahan ba akong baguhin ito upang magkaroon naman ako ng maayos na pamilya? Mahirap din kasi ang kalagayan ko, palaging may takot at kaba na baka isang araw ay mahuli kami ng tunay na asawa ng lalaking kinakasama ko ngayon.

KASAGUTAN

  1. Bukod sa pagiging magulo, may bilog at hindi normal ng Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, pansining nagkaroon din ng napakalaking bilog sa Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na ikaw ay masusuong sa isang relasyon na hindi normal. Dahil dito, ang naturang relasyon, posibleng ito ay ang kasalukuyan mo nang nararanasan — na nakikisosyo ka lang sa asawa o pag-aari ng iba.

  2. Ang pag-aanalisang malabo ka nang makaalis sa kasalukuyan mong kinasadlakan bilang kabit ay madali namang kinumpirma ng magulo mo ring lagda. Kung saan, bukod sa may malaking bilog, nagpaikot-ikot pa ito kung saan-saan at nakalikha ng malalaking bilog at kaguluhan sa iyong lagda. Tanda na sa umpisa pa lang, magulo na ang background ng iyong pamilya, at maaaring ito rin ang nagtulak sa iyong kapalaran upang ikaw ay pumatol sa may asawa na.

  3. Bagama’t hindi mo ginusto, ang malaking problema ngayon ay kung paano ka makakawala sa magulong pakikipagrelasyong pinasok mo, gayung bukod sa hindi magandang Marriage Line (1-M arrow a.), pinagkalooban ka rin ng pangit at magulong Heart Line (h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad? Isa pa itong malinaw na tanda na posibleng habambuhay ka nang maging kabit, kaya wala kang dapat gawin ngayon kundi mag-ipon ng maraming pera, kung halimbawang sustentado ka ng kinakasama mo. Sa ganyang paraan, ngayon pa lang ay napaghahandaan mo na ang future mo at ng magiging mga anak mo sa iyong kinakasama.

  4. Dapat kang mag-ipon, sapagkat minsan ay mahirap nang ituwid ang kasalukuyang pangyayari o pagkakamali. Ngunit ngayon pa lang ay maaaring paghandaan ang mga kaganapan sa kinabukasan, at sa kaso mo, kailangang mag-ipon ka nang mag-ipon ng maraming salapi.

DAPAT GAWIN


Katherine, sa aktuwal na pangyayari sa ating buhay, mas ninanais nating piliing gawin ang tama at matuwid. Ngunit sa kabila nito, madalas, ang takdang kapalaran pa rin ang nananaig, at ayon sa iyong mga datos, maaaring habambuhay ka nang magiging kabit.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page