ni Lolet Abania | November 28, 2022
Isa ang nasawi matapos sumiklab ang sunog sa Saint Vincent Street sa Barangay Holy Spirit, Quezon City bandang alas-5:00 ng madaling araw ngayong Lunes.
Kinilala ang biktima na si Delfin Enerva, 70-anyos.
Sa salaysay ng anak ng biktima na si Delmar, palabas na mula sa nasusunog na bahay ang kanyang ama nang madulas ito sa semento at mabagok ang ulo.
Idineklara namang dead-on-arrival sa ospital si Enerva, kung saan may sakit din ito sa puso.
Sa ini-report sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa bahay ng pamilya ni Nestor Bactismo, na ayon sa kanya, papasok na siya ng trabaho nang may maamoy siya na tila nasusunog na wire sa silid ng kapatid na nasa ikalawang palapag ng bahay.
Nang silipin ni Bactismo, umuusok na ang naturang kuwarto.
Sinubukan pa niyang apulahin ang apoy subalit malaki na ito kaya binitbit na niya ang kanyang mga anak palabas ng bahay.
Sinabi ng BFP na gawa sa light materials ang bahay kaya mabilis na kumalat ang apoy at nadamay ang halos 10 kabahayan.
Ayon kay Inspector Reinhard Baldovino, substation commander ng BFP Holy Spirit, idineklara naman itong fire out ng alas-6:22 ng umaga.
Patuloy pang inaalam ng BFP ang sanhi at pinagmulan ng sunog.
Comments