top of page
Search

Palaban pa nu’ng una… BLOGGER NA IDINEMANDA NI MON, TODO-SORRY NA

BULGAR

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 17, 2024


Showbiz news
Photo: Mon Confiado / FB

“I wish I could have taken it down the moment I saw him (Mon Confiado) in the comments section,” ito ang pahayag ni Jeff Jacinto, na mas kilala bilang Ileiad, isang blogger.


Nanginig na ang tuhod ni Ileiad o Jeff nang magpunta ang premyadong aktor na si Mon Confiado sa National Bureau of Investigation (NBI) para mag-file ng kaso laban sa kanya dahil sa paninira sa pagkatao nito.


Bago ito ginawa ni Mon, nagpadala siya ng mensahe kay Jeff o Ileiad na tanggalin na ang post dahil hindi ito totoo at nasisira ang pangalan niya, pero hindi ito pinansin ng huli.


Bagkus, tila nagmatigas pa si Ileiad nang sabihan siya ng aktor na gagawa siya ng legal action at hindi ito biro. Ang sagot ng blogger, “Is this a threat?”


Kaya isa ito sa mga nagtulak kay Mon na idulog ang isyu sa NBI para mabigyan ng leksiyon ang isang tulad ni Ileiad.


Samantala, ini-report ng Rappler na nagpadala ng email si Jeff o Ileiad sa kanila upang ilabas ang kanyang panig at kung paano siya nakiusap kay Mon sa pamamagitan ng direct message, na aminadong nagsisisi siya sa kanyang ginawa.


Pagkatapos nito, nag-deactivate na ng kanyang social media account si Ileiad.


Kuwento ni Ileiad sa Rappler, “He messaged me, asking me to take it down, but to my mistake, I didn’t and instead explained that it was a copypasta, and that it wasn’t my intention to ruin him.”


Ang ibig sabihin ng copypasta ayon sa Google ay, “a block of text copied and pasted to the Internet and social media. Copypasta containing controversial ideas or lengthy rants are often posted for humorous purposes, to provoke reactions from those unaware that the posted text is a meme.”


Matatandaang sinulat namin dito sa BULGAR ang unang engkuwentro nina Mon at Ileiad hanggang sa magpunta si Mon sa NBI. Ngayon, nakikiusap na ang blogger na iurong na ang demanda.


Nagpadala kami ng mensahe kay Mon Confiado sa pamamagitan ng Facebook Messenger kung ano ang desisyon niya sa pakiusap ni Ileiad, pero hindi pa niya ito nababasa.


 

Ilang buwang pinaghahandaan ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pamumuno ni Chairman Atty. Don Artes ang ika-50 taon ng Metro Manila Film Festival (MMFF) na gaganapin ngayong Disyembre 25, 2024.



Ang lungsod ng Maynila sa pamumuno ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ang magiging host ng 50th anniversary ng MMFF.


Bago ito mangyari sa Disyembre, isa sa mga aabangan ng sambayanang Pilipino ang mural paintings sa kahabaan ng EDSA, tampok ang mga classic film posters na naging official entry sa mga nakaraang MMFF.


Ayon kay Chairman Artes, aabot sa 2,000 estudyante ng iAcademy ang makikilahok sa pagpinta ng mga classic movie posters ng MMFF entries noon sa ilang bahagi ng EDSA.


“Sine-Sigla sa Singkwenta ang tema ngayon ng Metro Manila Film Festival,” wika ni Chairman Artes.


“Ang proyektong ito ay hindi lang pagpapaganda ng walls sa EDSA sa pamamagitan ng artworks para sa advocacy ng MMDA na mapaganda ang lungsod, kundi upang i-promote ang 50th anniversary ng MMFF ngayong taon. Ito ay sa pamamagitan ng pagpipinta sa wall ng EDSA ng mga lumang posters ng mga classic movie na kasali sa MMFF na nakita sa mga sinehan noon,” dagdag pa niya.


Ayon naman kay iAcademy President at CEO Raquel Wong, “This program of MMDA really symbolizes our shared commitment and using creativity to enhance public spaces, and the artworks of our students will showcase not only their skills but also the Filipino life, community, and the creativity that Filipino creatives manifest.


“So we hope, and we’re excited to show that, inspire and remind everyone that our creative collaborations in shaping the urban environment. We’re very excited for MMDA to have this trust in us.”


Magsisimulang magpinta ang mga iAcademy students simula sa September 10, 2024, sa proposed location na EDSA (Buendia to Ayala) na may wall height na 4.0 meters at length na hindi bababa sa 653 meters, at sana ay matapos ito bago magsimula ang MMFF ngayong Disyembre.


Sa nasabing event din isinagawa ang iAcademy at MMDA Memorandum of Agreement (MOA) Signing Ceremony kina MMDA/MMFF Chairman Atty. Don Artes, President, CEO Raquel Wong, at Asec Angelo David Vargas.




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page