top of page
Search
BULGAR

Pakinggan ang tinig ng tahimik at malalim na kadakilaan

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 16, 2024



Fr. Robert Reyes

Tungkol sa dalawang kakaibang babae ang ebanghelyo noong nakaraang Huwebes. Matanda at hindi magkaanak ang una. Bata at wala pang asawa subalit may katipan ang pangalawa. Ngunit, pinili ng Diyos ang dalawa upang paghimalaan. 


Pinagkalooban ang una ng anak sa kanyang katandaan. Ang ikalawa, ang batang babae na sinabihang, “Maglilihi ka at ipanganganak mo ang isang lalaking tatawaging Jesus.” Ito ang kakaibang istorya ng magpinsang Elizabeth at Maria. Ina ni Juan Bautista ang una, at ina naman ng ating Panginoong Hesus ang pangalawa.


Hindi ibinulgar ng dalawa ang milagrong ginawa ng Diyos sa kanila. Natuklasan na lang ng mga kamag-anak at kapitbahay ni Elizabeth ang hiwaga ng paglilihi niya sa kabila ng kanyang katandaan. Ang mga karaniwang pastol at ang kanilang mga hayop ang saksi sa paglitaw ng bagong silang na banal na sanggol. Doon sa katahimikan ng sinapupunan ng dalawang babae naganap ang dakila’t banal na mga himala ng Diyos.


Ibang-iba ang “kadakilaang” hinahanap ng mundo. Tingnan natin ang naging kapalaran ng dalawang indibidwal din, sina Carlos Yulo at Sofronio Vasquez. Alam nating lahat ang natanggap na karangalan ni Carlos Yulo sa kanyang pagwawagi ng dalawang medalyang ginto sa katatapos lang na Paris Olympics 2024. Hinangaan, pinalakpakan at pinasalamatan ng lahat si Carlos. At tunay namang kahanga-hanga ang kanyang tagumpay at ang malaking pakinabang nito sa kanyang buhay. Sumikat siya sa buong mundo at yumaman sa tinanggap na premyo mula sa Olympic Committee, sa ating gobyerno at sa iba’t ibang pribadong indibidwal at mga korporasyon na nagbigay ng pabuya dahil sa idinulot niyang kadakilaan sa ating bansa. Ngunit, nabahiran ang lahat ng ito ng mga bagay na bunga ng mga pangyayari sa paligid ni Carlos na maaari niyang iwasan pero hindi niya nagawa. Kaya sa kaso ni Carlos Yulo, maraming hindi magandang debate at batikusan pa sa mga pabor o tutol sa kanyang mga sinabi at ginawa, pagkatapos ng kanyang pagkapanalo ng dalawang Olympic medals.

Nang pinagninilayan natin ang buhay ni Maria at ng pinsan niyang Elizabeth noong nakaraang Miyerkules ng gabi, biglang bumungad sa aking mga tainga at mata ang masayang balita na nanalo ang kauna-unahang Asian at pinakaunang Pinoy sa America Got Talent. Nanalo sa isang timpalak sa Amerika ang isang hindi Amerikano, kundi isang Filipino. Natalo niya ang mga lumahok na ‘puti’. Kaya ganoon na lang ang puri sa kanya ng kanyang coach na si Michael Buble. Sabi ni Buble, “Proud sa iyo, hindi lang ang iyong mga kababayan kundi ang milyun-milyong mga taga-Asia na nakita ang iyong tunay at hindi matatawarang galing.”


Sadyang masaya hindi lang si Sofronio kundi ang lahat ng kanyang kababayan. Malayo ang narating ng batang galing sa mahirap na pamilya sa Misamis Oriental. Ayon mismo sa kuwento ni Sofronio, “Kami ay mahirap lamang. Ngunit, sa kabila ng kawalan, merong boses at merong awit. Kaligayahan at lakas ko ang musika.” Tiyak na malinaw ito sa kalooban ng batang dukha, ang lakas at galak na dulot sa kanya ng musika sa gitna ng kahirapan ng kanyang pamilya.


Nakasisilaw ang maraming bagay sa buhay, tulad ng katanyagan, salapi, kapangyarihan, rangya at labis na ari-arian. Sana hindi masilaw si Sofronio. Sana, marinig niya ang munti at tahimik na tinig sa kanyang puso. At doon sa kalaliman ng kanyang puso matagpuan din niya ang sama-samang pasasalamat ng mga kababayang uhaw na uhaw sa tunay at malalim na kadakilaan.


Napakahalaga ng pakikinig sa mahinahon at mahiwagang tinig ng kadakilaan at kahiwagaan. Ito ang tinig na narinig nina Elizabeth at Maria. Sinugo ng Diyos ang kanyang mga anghel na gumulat sa dalawang babaeng manghang-mangha sa mga ginawa at patuloy na ginagawa ng Diyos sa kanila. Napakaraming tinig na naririnig nina Carlos at Sofronio ngunit hindi nila dapat balewalain ang tinig na higit na mahalaga sa lahat.


Ito ang ginawa ng dalawang babae na sa kanilang buong buhay, ni minsan hindi nila binalewala at tinalikuran ang tinig na pinakamahalaga sa lahat, ang tinig ng tahimik at malalim na kadakilaan at kabanalan ng Diyos.

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page