top of page
Search
BULGAR

Pakialamerang biyenan, ‘di na kering pakisamahan

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | July 12, 2021



Dear Sister Isabel,

Hirap na hirap na ang kalooban ko sa pakikialam ng mga biyenan ko sa buhay naming mag-asawa. Ang asawa ko ay Mama’s boy, kaya kahit matagal na kaming kasal at may apat na anak ay sunud-sunuran pa rin sa biyenan ko. Lahat na lang ay pinanghihimasukan ng biyenan ko na para bang wala akong karapatang magdesisyon sa buhay namin.

Seaman ang asawa ko, kaya bawat kilos ko ay inire-report ng biyenan ko sa kanya. Hanggang ngayon ay umuupa lang kami ng bahay kahit matagal nang nagtatrabaho sa barko ang mister ko. Mabuti na lang, nandito kami ngayon sa bahay ng mother ko. May maganda siyang bahay at nag-iisa lamang doon. Nagkataon namang tinawagan ulit ang asawa ko sa barkong pinagtatrabahuhan niya. Pumayag siya na rito na kami tumira sa mother ko para hindi na kami umupa at may aalalay pa sa ina ko na matanda na rin at kailangan ng kasama.

Natuwa ako dahil malayo na ako sa biyenan ko at mababawasan na ang sobrang pakikialam sa amin. Pero ganundin pala, hindi pa rin matigil ang panghihimasok niya sa pang-araw-araw kong pamumuhay at natitiyak kong nakareport agad ‘yun sa asawa ko.

Ano ang marapat kong gawin upang mabawasan na panghihimasok ng biyenan ko sa buhay naming mag-asawa? Sana ay mabigyan n’yo ako ng kaukulang payo para hindi kami magkasamaan ng loob ng biyenan ko.


Nagpapasalamat,

Thelma ng Camarines Sur


Sa iyo, Thelma,

Hindi lang ikaw ang ganyan sa mundong ibabaw. Pangkaraniwan nang nangyayari ‘yan sa buhay may asawa, kaya tanggapin mo na lang ang katotohanan na ang buhay sa mundo ay sadyang ganyan. Mabuti nga at may sumusubaybay sa iyong biyenan, hangad lang naman nila na malagay sa ayos ang pamumuhay n’yo ng anak nila. ‘Yun nga lang, ‘pag sobra na ay nakakakunsumi rin. Matuto kang makibagay sa biyenan mo at ipagdasal na lang na huwag namang sumobra ang pakikialam nila upang hindi pagmulan ng hindi n’yo pagkakaunawaang mag-asawa.


‘Ika nga, makisayaw ka na lang sa tugtog o matutong makibagay sa biyenan mo. Gawin mo ang iyong makakaya para makagaanan ka nila ng loob. Matuto ka pang magpasensiya. Pinasok mo buhay may asawa, kaya harapin mo nang buong pagpapakumbaba at pang-unawa ang pakikialam ng biyenan mo.


Bagama’t nakikialam sila, hindi naman ibig sabihin ay gusto nilang hiwalayan ka ng asawa mo at humanap ng iba. Hindi naman siguro ganu’n. Muli, pang-unawa, lawak ng isipan, hinahon at katatagan ng kalooban ang kailangan mong gawin. Think positive at no to negative, ‘yan ang susi ng magandang pagsasamahan ng mag-asawa kahit ang isa ay nasa malayo.


Hanggang dito na lang. Sumaiyo nawa ang pagpapala at mga biyaya ng Dakilang Lumikha.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del mundo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page