top of page
Search

Pakakasalan na ni Sam… RHIAN, IIWAN NA ANG ‘KA-LIVE-IN’ NA SI MICHELLE

BULGAR

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Mar. 19, 2025



Photo: Sam at Rhian - IG


Malaking kabaliwan man para sa ilan ang ginawang marketing strategy o ‘gimik’ ng mga may-ari ng Frontrow na sina RS Francisco, Sam Verzosa at Richmond Yu last Saturday kung saan nagdaos sila ng tila burol para sa pamamaalam ng kanilang pinakasikat na Luxxe White product na tinangkilik for 15 yrs. ng kanilang mga consumers, effective naman ito at talagang pinag-usapan at gumawa ng ingay sa social media.


Marami ang na-curious sa live streaming ng ginawang burol kung saan inihiga pa sa kabaong ang malaking bote ng Luxxe White at nagkaroon din ng final viewing mula sa mga dumalong guests.


At take note, si Tito Boy Abunda pa ang kinuha nilang host ng funeral wake na nauwi sa mediacon dahil pagkatapos ilibing ang Luxxe White ay ini-launch naman ang rebirth nito at makikilala na ito ngayon bilang Luxxe White Ultima – na may bigger, better, at stronger line of products na iniiba ang kahulugan ng health, beauty, at wellness.


Aminado ang isa sa tatlong bosses ng Frontrow na si RS Francisco na siya ang may idea at pakulo sa ‘funeral wake’ at nu’ng una nga raw ay nagdududa pa siya kung papayag ang mga business partners na sina Sam at Richmond sa kanyang idea, lalo na raw sa parte ni Sam na tumatakbong mayor at may image na iniingatan.



Kaya naman natuwa raw siya nang bongga nang sakyan ng dalawa ang kanyang ‘trip’ at pati nga ang mga ito ay nag-ala-Best Drama Actor sa kanilang pamamaalam sa Luxxe White.


Samantala, after nga ng ‘paglilibing’ sa Luxxe White ay ipinakilala naman ang mga bagong ambassadress-endorsers ng Luxxe White Ultima Collections na sina Rhian Ramos at Miss Universe-Phils. 2023 Michelle Dee.


Grabe ang kaseksihan at pagiging slim ng dalawa na talagang nanggulat sa entertainment press. Nakakainggit ang kanilang mga abs na anila, bukod sa workout ay malaking tulong talaga ang Luxxe White Slim L-Carnitine na kanilang iniinom kaya ganu’n na lang kaninipis ang kanilang mga katawan na akala mo’y hindi kumakain pero ang lalakas naman daw kumain.


At tiyak na mas titibay pa ang friendship nina Rhian at Michelle ngayong magkasama na sila bilang mga endorsers ng Frontrow Luxxe White Ultima at ng tatlo pang bagong produkto na Luxxe White Slim L-Carnitine, Luxxe White Renew at Luxxe White Protect (na paborito naman daw gamitin ni Sam kaya looking young pa rin kahit sagad-sagaran ang kampanya sa Maynila bilang mayor).  


Tinanong namin sina Rhian at Michelle sa dinner after ng mediacon kung napaghandaan na ba nila ang kanilang ‘paghihiwalay’ kapag pinakasalan na nga ni Sam ang girlfriend na si Rhian after ng elections.


Open naman kasi ang mag-BFF na magkasama sila sa iisang bahay at parang magka-live-in din ang ganap dahil ‘wifey’ pa nga ang kanilang tawagan.


Sabi ni Michelle, kahit mag-asawa pa si Rhian, hindi raw sila mahihiwalay sa isa’t isa at ganu’n kalalim ang kanilang friendship.


At nu’ng matanong naman namin siya about her love life, hindi naman daw sa hindi siya nag-e-entertain pero kung may manliligaw daw, dapat ay pumasa muna sa kanyang BFF na si Rhian.


So, si Rhian muna ang dapat ligawan ng mga gustong maging girlfriend si Miss Universe-Phils. 2023 Michelle Dee!


 

MAY bagong addition na naman sa Star Magic na pumirma ng kontrata sa kanila last March 11 at kasabay nito ang pagpapakilala sa kanila sa entertainment press na ginanap sa Noctos Music Bar, QC.


This time, pare-parehong singers ang ipinakilalang bagong Star Magic talents na sina Esang, James Philippe, Jarlo Base at Diego Gutierrez, sa isang contract signing at concert na ginanap sa Noctos Music Bar, Quezon City.


Dinaluhan ang naturang contract signing nina ABS-CBN TV Production at Star Magic Head Laurenti Dyogi, ABS-CBN Music Head Roxy Liquigan, Head of Digital Services and Business Development Ms. Elaine Uy-Casipit, Head of Star Magic Special Events and Digital at Senior Talent Manager Ms. Love Almazan-Capulong, ABS-CBN Business Unit Head Sir Raymond Dizon, at Creative Director ng ABS-CBN Music na si Jonathan Manalo. Ipinahayag ng mga executives ang kanilang tiwala sa apat na singer-composers.


Si Esang de Torres ay unang nakilala sa The Voice Kids Philippines Season 2 kung saan naging mentor niya si Lea Salonga at nanalo bilang third placer sa nasabing kompetisyon. Mismong ang Tony Award awardee ang nagpakilala kay Esang bilang isang promising talent.  


Samantala, parehong naghahanda sina James Philippe at Jarlo Base para sa kanilang mga paparating na musical projects under Star Magic.  

Ibinahagi ni James Philippe ang kanyang nararamdaman, “I am very speechless and thankful to God. Thank you so much po for this opportunity.”  


Ipinakilala naman ni BINI Colet si Jarlo Base sa intro VTR at nagpakita ng kanyang support at appreciation para sa music ng singer-composer.


Mensahe ni Jarlo Base, “I’m feeling very excited, and honestly, I feel at home… Thank you so much, Star Magic and ABS-CBN.”  


Tulad ng kanyang lola na si Pilita Corrales, maganda rin ang boses ni Diego Gutierrez na younger brother ni Janine Gutierrez. At kung si Janine ay nakikilala ngayon sa pag-arte, mukhang sa music naman gagawa ng pangalan si Diego.


Maraming dapat abangan sa mga bagong Star Magic Kapamilya na sina Esang, James Philippe, Jarlo Base at Diego. 


Maaaring balikan at muling panoorin ang naturang Star Magic Music Room event sa official YouTube channel at Facebook page ng Star Magic. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page