top of page
Search
BULGAR

Paigtingin ang partisipasyon ng LGUs sa sektor ng edukasyon

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | June 21, 2022


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, mariing isinusulong ng inyong lingkod ang mas aktibong pakikilahok ng mga lokal na pamahalaan sa paghahatid at pag-angat sa kalidad ng edukasyon sa bansa.


Maraming mahahalagang papel ang ginampanan ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapatuloy ng edukasyon sa gitna ng pandemya. Isa na ang mas agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga guro at mag-aaral sa kanilang mga nasasakupan dahil mas malapit sila sa mga ito.


Bukod dito, malaking impluwensiya rin ang susunod na Secretary of Education na si Vice-President-elect Sara Duterte-Carpio sa mga lokal na pamahalaan upang maging mas aktibo ang mga ito sa usapin ng edukasyon. Dahil natanggap ng Vice-President-elect ang boto ng mahigit 61% ng mga boto ng taumbayan, mayroon siyang political capital upang maipatupad ang mga kinakailangang reporma upang tugunan ang krisis sa sektor ng edukasyon.


Sa kakatapos lamang na 18th Congress, inihain ng inyong lingkod ang Senate Bill No. 1579 o ang 21st Century School Boards Act. Sa ilalim ng panukalang batas, mandato ng mga school boards na magpatupad ng kinakailangang reporma upang iangat ang kalidad ng edukasyon.


Ang tagumpay ng mga reporma at programang ito ay masusukat sa mga batayang tulad ng participation rate ng mga mag-aaral, bilang ng dropouts at out-of-school youth, achievement scores sa mga national tests, assessment tools at iba pang standardized test scores. Gagawin ding batayan ang pagkakaroon ng mga child development centers at suporta sa special education at Alternative Learning System o ALS.


Ipinapanukala rin natin ang pagpapalawig sa paggamit ng Special Education Fund o SEF upang magamit na pambayad sa sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan sa elementarya at high school, sahod ng mga guro at capital outlay sa preschool, pagpapatakbo ng mga programa sa ALS at iba pa.


Nakita natin nitong panahon ng pandemya kung gaano kahalaga ang papel ng mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon, lalo na’t mas nauunawaan nila ang pangangailangan ng mga mag-aaral at mga guro sa kanilang mga nasasakupan. Sa pagpasok ng bagong administrasyon, kailangang palawakin pa natin ang papel ng lokal na pamahalaan at gawin silang katuwang sa pag-angat sa kalidad ng edukasyon.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page