ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | December 8, 2020
Hinihimok natin ang mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang kanilang mga programa sa pagpapabakuna upang maiwasan ang outbreak ng mga vaccine-preventable diseases.
Nakaaalarma ang iniulat ng World Health Organization (WHO) na umakyat ng 50 porsiyento sa buong mundo ang bilang ng mga namatay sa tigdas mula 2016 hanggang 2019.
Ngayong taon naman, base sa ulat ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) noong Abril ay may halos dalawang milyong bata sa bansa ang nanganganib na hindi mabakunahan dahil sa COVID-19. Bumaba rin ang immunization coverage o ang porsiyento ng mga batang nakatanggap ng bakuna mula 87 porsiyento noong 2014 sa halos 70 porsiyento noong nakaraang taon.
Iniulat din ng Department of Health (DOH), WHO at UNICEF na buhat nitong Agosto ngayong taon ay pumapalo sa 3,500 na kaso ng tigdas ang naiulat sa bansa at 36 ang namatay. Ang nakalulungkot, lumalabas na karamihan sa mga naitalang kaso ay ‘yung mga batang wala pang limang taong gulang.
Kaya lubos nating hinihikayat ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang anak upang hindi na lumala ang krisis pang-kalusugan na nararanasan natin dahil sa COVID-19.
Sa gitna ng kasalukuyang pandemya mahalaga na ating maiwasan ang pagkalat ng mga nakamamatay na sakit tulad na nga ng tigdas. Maaaring magpabakuna ng libre sa mga pampublikong ospital at health center.
Ayon sa WHO at United States Center for Disease Control and Prevention (CDC), may 207,500 na bilang ng mga namatay sa tigdas sa buong mundo noong nakaraang taon. Kung atin ding matatandaan, nagkaroon ng measles outbreak sa bansa noong nakaraang taon na nagdulot ng pangamba sa maraming pamilyang Pilipino.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10152 o ang Mandatory Infants and Children Health Immunization Act of 2011, ang mga batang hanggang limang taong gulang ay maaaring makatanggap ng mga pangunahing bakuna mula sa mga pampublikong ospital at mga health center.
Sa ilalim naman ng Expanded Program on Immunization, dapat mayroong kahit isang staff para sa ‘Reaching Every Barangay (REB) strategy’ na sanay sa pagbibigay ng bakuna sa mga bata para mas maraming mabakunahan.
Bukod dito, kailangan din nating ipagpatuloy ang edukasyon ng publiko tungkol sa mga bakuna. Ayon sa DOH, ang pagtanggi ng mamamayan sa mga bakuna ang isa ring dahilan sa pagkakaroon ng measles outbreak. Ngunit dapat nang maputol ito upang hindi mahadlangan ang pagpapatupad ng vaccination program laban sa COVID-19.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Opmerkingen