ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | January 13, 2024
Hindi natin dapat ihinto ang kampanya laban sa ilegal na droga, at hindi rin dapat masayang ang magandang nasimulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na masagip ang ating bansa lalo na ang ating mga kabataan sa kamay ng mga nagpapakalat nito.
Kasi alam natin na, kapag bumalik ang droga, babalik din ang kriminalidad at korupsiyon sa gobyerno. Dapat labanan natin ang ilegal na droga.
Kaya naman suportado natin ang plano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makapagpatayo ng drug rehabilitation centers sa bawat lalawigan at ng Anti-Drug Abuse Councils (ADACs) sa bawat probinsya, lungsod, munisipalidad at barangay pagsapit ng June 2028.
Sa kasalukuyan, ayon sa Pangulo, ay nakapagpagawa na ang pamahalaan ng 74 in-patient treatment and rehabilitation facilities na nagkakaloob ng tulong sa mga gustong makawala sa kanilang pagiging drug dependent. Inanunsyo rin ng pamahalaan na nakakumpiska ang ating mga otoridad ng halos PhP10.41 bilyong halaga ng ilegal na droga noong 2023. Samantala, nasa mahigit 27,000 barangay na ang maituturing na drug-free.
Bilang chair ng Senate Committee on Health at vice chair ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, natutuwa tayo sa mga development na ito. Sa tuluy-tuloy na kampanya laban sa ilegal na droga, mas nagiging ligtas ang mga Pilipino at ang mga komunidad.
Ang mga hakbang na ito ng pamahalaan ay isang malaking tagumpay ng ating isinasagawang pagpapalakas pa sa ating kampanya laban sa paglaganap ng droga. Sa pamamagitan ng paghahatid ng abot-kaya at pinalawak na rehabilitation services sa buong bansa, hindi lang natin natutulungan ang mga kababayan nating naging drug dependent — nakatitiyak din tayo sa kanilang matagumpay na paggaling, makabalik sa piling ng kanilang pamilya, at muling maging kapaki-pakinabang na miyembro ng ating lipunan.
Ang inisyatibong ito ng pamahalaan ay nakalinya rin sa ating hinahangad na mas ligtas, mas malusog at drug-free Philippines. Sa parte ko bilang mambabatas at sa aking kapasidad, layunin ko na maisakatuparan ito para sa mas ikaaayos ng ating bansa at ikapapanatag ng mga Pilipino.
Sa katunayan, nauna na nating naisumite sa Senado ang Senate Bill No. 428. Layunin ng panukalang ito na magtayo ng Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa bawat lalawigan sa ating bansa. Hindi lang ito basta pasilidad para gamutin ang mga drug dependent. Kapag naka-recover na ang isang naging drug dependent, kahit nakalabas na siya sa pasilidad ay patuloy pa rin siyang susubaybayan ng center.
Tutulungan din siya kung paano unti-unting makababalik sa kanyang pamilya at komunidad hanggang sa matiyak na tuluyan na siyang naka-recover at magiging bahaging muli ng lipunan.
Isinumite rin natin ang Senate Bill No. 2115 na naglalayon na ma-institutionalize ang technical-vocational education and training programs na nakadisenyo para lang sa mga naging drug dependent na sumailalim na sa rehabilitasyon. Sa pamamagitan nito, magkakaroon sila ng pagkakataon na maturuan ng mga bagong kaalaman na magagamit nila sa pagsisimulang muli at makahanap ng trabaho.
Kinikilala naman natin ang sipag at sakripisyo ng ating mga anti-drug personnel na siyang isa sa naging backbone natin sa pagbaka sa kriminalidad at pagsugpo sa paglaganap ng ilegal na droga. Isinumite natin ang Senate Bill No. 419, o ang panukalang Magna Carta for Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) officers and personnel. Layunin nito na mapangalagaan ang kanilang mga kapakanan at magkakaroon din sila ng iba pang oportunidad sa pamamagitan ng pagpapatupad ng extensive career development programs.
At bilang chair naman ng Senate Committee on Sports, lagi nating binibigyang-diin ang importansya ng pagpapalaganap ng sports bilang isang paraan sa pag-unlad ng ating bansa, at upang matutunan ng ating mga kabataan ang disiplina. Gaya ng madalas kong sabihin, get into sports, stay away from drugs to keep healthy and fit. Isang paraan din ito para mabawasan ang stress at iba pang mga bisyo.
Samantala, tuluy-tuloy pa rin ang ating paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan. Kahapon, January 12, sinaksihan natin ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Brgy. NBBS Kaunlaran, Navotas City kasama sina Mayor John Ray Tiangco, Vice Mayor Tito Sanchez, ilang konsehal, barangay health workers at iba pang local at health officials ng lungsod.
Nakarating naman ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad para maghatid ng tulong mula sa aking tanggapan sa mga residenteng nahaharap sa iba’t ibang krisis tulad ng mga nawalan ng tirahan sanhi ng mga sakuna katulad ng sunog, pagbaha, at landslide.
Sa South Cotabato, natulungan natin ang 15 residente ng Surallah, anim sa Sto. Niño, tatlo sa Tupi, pito sa Koronadal City, at anim sa Tantangan. Sa North Cotabato ay nabigyan din ng tulong ang 34 residente sa Aleosan at dalawa sa Alamada.
Sa Esperanza, Sultan Kudarat naman ay nakatanggap rin ng tulong ang tatlong benepisyaryo. Sila ay nakatanggap din ng hiwalay na tulong mula sa National Housing Authority sa ilalim ng programang ating isinulong noon at tinutulungang mapondohan ngayon para may pambili sila ng pako, yero, semento at iba pang materyales sa pagtatayong muli ng kanilang tahanan.
Nabigyan din ng tulong ang mga nawalan ng hanapbuhay sa Batangas kabilang ang 100 benepisyaryo mula sa Batangas City at San Pascual kasama sina Board Members Claudette Ambida at Arlina Magboo, 169 sa Taal kasama si Mayor Pong Mercado, at 438 sa Calaca at Balayan katuwang sina Congressman Eric Buhain, Mayor Nas Ona, Board Member Junjun Rosales at Board Member Armie Bausas.
Sa Palayan City, Nueva Ecija ay natulungan din ang 530 benepisyaryo katuwang sa Mayor Vianne Cuevas. Nabigyan din ang mga ito ng Department of Labor and Employment ng pansamantalang trabaho.
Nag-abot din tayo ng tulong sa mga kababayan nating naapektuhan ng sunog kamakailan lamang. Katulad ng tatlong pamilya sa Saguiran, Lanao del Sur, isang pamilya sa Marawi City at 144 pamilya sa Cebu City.
Nakikita sa mga datos na napakarami na talaga ang nasira ang buhay at pamilya nang dahil sa ilegal na droga. Kaya ang apela ko sa ating mga kababayan, lalo na sa mga kabataan, huwag sayangin ang inyong kinabukasan at gumawa na lang ng tama. Kung naging drug dependent naman kayo at kinakailangan ninyo ng tulong, may rehabilitation centers at mga programa ang gobyerno para kayo makapagbagong buhay. Sama-sama nating labanan ang iligal na droga para sa mas ligtas na kinabukasan para sa ating mga anak.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments