ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | August 16, 2022
Bilang tagasulong ng dekalidad na edukasyon, inihain ng inyong lingkod ang panukalang batas na layong paigtingin ang digital transformation sa basic education sector.
Sa ilalim ng ating panukalang Senate Bill No. 383 o ang Digital Transformation in Basic Education Act, paiigtingin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang paglalagay at paglulunsad ng libreng Wi-Fi sa lahat ng mga pampublikong paaralan. Ito ay alinsunod sa mandato ng Republic Act No. 10929 o ang panukalang Free Internet Access in Public Places Act upang palawakin ang internet coverage sa bansa at patatagin ang pagtuturo at pag-aaral kahit sa mga malalayong lugar.
Batay sa pinakahuling datos ng Free Public Wi-Fi monitoring dashboard, nasa 945 na mga pampublikong paaralan ang meron nang libreng Wi-Fi. Pero dalawang porsyento lamang ito ng kabuuang pampublikong paaralan sa bansa.
Nabigyang-diin ng pandemya ng COVID-19 ang digital divide sa buong bansa at ang pangangailan para sa mga makabagong paraan ng pagtuturo para sa pagpapatuloy ng edukasyon. Matatandaang noong School Year 2020-2021, 87 porsyento ng mga mag–aaral sa public school ang gumamit ng mga self-learning modules.
Isinusulong din ng Senate Bill No. 383 ang mas mabilis na pagpapatayo ng pambansang imprastraktura para sa Information and Communications Technology (ICT). Sa ilalim pa rin ng naturang panukalang batas, mandato ng National Telecommunications Commission (NTC) ang tukuyin ang mga lugar na patatayuan ng mga telecommunications tower sites. Bibigyang-prayoridad naman ang mga missionary areas na nananatiling hindi konektado sa internet, pati na rin ang mga lugar na itinuturing na unserved o underserved.
Ayon sa panukalang batas, bibigyan ng Department of Education (DepEd) ng mandato ang lahat ng mga paaralan na paigtingin ang kanilang kakayahan sa ICT para sa pagpapatupad ng distance learning. Tutulungan ng Department of Science and Technology (DOST) ang DepEd at ang DICT pagdating sa agham, teknolohiya at inobasyon upang paghusayin ang pag-aaral at pagtuturo. Kasabay nito ang pagsulong sa Fourth Industrial Revolution sa sektor ng edukasyon.
Ang new normal sa edukasyon ay gagamit ng pinaghalong face-to-face classes, online learning, at iba pang mga paraan ng pagtuturo. Mahalaga ito upang matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon sa kabila ng mga unos at kalamidad.
Isusulong natin ang digital transformation sa sektor ng edukasyon upang matiyak na ang bawat paaralan sa bansa ay konektado sa internet. Magiging bahagi na ng new normal ang blended learning kaya naman dapat palawakin natin ang paggamit ng teknolohiya upang masigurung walang mag-aaral ang mapag-iiwanan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments