top of page
Search
BULGAR

Pahiwatig ng matandang lalaki na mahaba ang balbas at nakasuot ng mahabang damit

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 5 , 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Trixy na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan kong may lumapit sa akin na matandang lalaki, mahaba ang balbas niya at nakasuot siya ng mahabang damit na abot na sa lupa. Sabi niya habang naglalakad ako, “Ito ng susi ng pinto, tanggapin mo, iha,” pero wala namang pinto akong bubuksan saka sa mall ako papunta dahil bibili ako ng bagong rubber shoes na gagamitin ko sa outing naming magkakaibigan. Tapos maya-maya, nawala ang matanda habang iniisip ko kung nasaan ‘yung pinto na sinasabi niya? Ang natandaan ko lang ay sinabi niya at isa pang hawak niya na maliit na telang puti at tanda ko rin na inaabot niya sa akin ‘yun. Nagising na ako at ngayon, ilang araw na ang nakalipas, naisiip ko pa rin ang panaginip kong ito. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Trixy


Sa iyo, Trixy,


Sa panaginip, kadalasan, ang matandang lalaki ay sinisimbolo ni Father God. Siya ang Ama na binabanggit sa panalaging itinuro sa atin ni Jesus na “Ama Namin.”


Ganito ang sabi, “Walang nakakita sa Ama kahit na sinong tao,” at dahil walang nakakita kay God, naging magulo ang mga relihiyon at maging ang paniniwala ng mga tao, gayundin, marami ang nag-aalinlangan kung may Diyos nga ba o wala.


Ang sabi ng iba, bawal makita si God dahil Siya ay sobrang maliwanag kung saan mabubulag ang tao kapag nakita Siya. Gayundin, Siya ay espiritu or Banal na Espiritu.


Saka si God daw ay nasa langit at tayo ay nasa lupa at hindi naman puwedeng pumunta sa langit kaya kahit kailan, hindi natin makikita si God. Siguro, kung patay na tayo, as in kaluluwa na tayo, makikita na natin si God, kaya ngayon, tinatanong pa rin natin kung may Diyos ba o wala.


Dahil si God ay hindi puwedeng aktuwal na makita ng tao, sa iba’t ibang paraan lang Siya nagpapakita at ang isa sa mga paraan na napipili ni God ay sa pamamagitan ng panaginip kung saan Siya ay nag-anyong matanda para masabi Niya ang Kanyang mensahe.


At ang sabi sa iyong panaginip ay ganito, dalisay at wagas na layunin ang susi ng kaligayahan. Binibigyang-diin ng puti na maliit na tela na ang pagiging dalisay at wagas ay inirerepresenta ng kulay puti.


Napapanaginipan ang ganitong senaryo kapag ang tao ay nahaharap sa mga hamon ng kanyang kapalaran, lalo na kapag nasa harapan niya ang sitwasyon kung saan siya ay puwedeng makagawa ng mali o kasalanan.


Kaya ang banta ng kasinungalingan o pagsisinungaling para lang makuha ang kanyang gusto ay ay maaaring sa iyo. Puwede rin ang pagkakataong mapasaiyo ang mga pangarap mo, pero sa lisya, mali o immoral na paraan ay nasa iyo ring harapan.


Pag-aralan mo ngayon ang buhay mo, lalo na ang mga huling kaganapan. Ikaw ba ay puwedeng magkasala dahil may gusto kang mapasaiyo? Kaya bago mo gawin, aalahanin mo na ang tunay na susi ng kaligayahan ay nasa dalisay at wagas na layunin.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page