ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 08, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Crystalene na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Nakapagtataka ang panaginip ko dahil umulan nang malakas, tapos lumabas ako ng bahay at naligo ako sa ulan. Kahit basang-basa at giniginaw na ako, ayaw ko pa ring pumasok sa bahay namin. Wala namang mga tao sa panaginip ko, ako lang mag-isa sa kalsada.
Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Crystalene
Sa iyo, Crystalene,
Hangad mo ang kalayaan. Kumbaga, gusto mong lumaya at ang kalayaan na binabanggit sa panaginip mo ay personal na kalayaan dahil ikaw ay naliligo sa ulan.
Napapanaginipan ito ng mga babae kapag hindi maganda ang kanilang love life kung saan siya ay tagasunod lang at walang karapatang tumutol dahil ‘pag ginawa niya ito, hindi maganda ang kanyang mararanasan.
Gayundin, kapag ang mga babae ay hindi nakakapagpasya kung ano ang maganda para sa kanya, lihim niyang hahangarin na siya ay lumaya sa ganu’ng sitwasyon. Kaya ang mga babae na umaasa lang sa kanyang asawa o karelasyon pagdating sa pinansiyal, hindi rin niya maiiwasan na mapanaginipan na siya ay naliligo sa labas ng bahay.
Hindi maganda ang ganitong panaginip dahil kapag nagtagal pa ang ganitong klase ng buhay, ang nanaginip ay magkakasakit ng depression at makikitang ayaw na niyang kumain, ayusin ang kanyang sarili at palagi siyang nakatingin sa malayo. Minsan, nakatingin din siya sa isang bagay at makikitang napakatagal niyang nakatitig sa bagay na ito.
Makikitang halos hindi na siya kumukurap at parang napakalalim ng kanyang iniisip. Ayaw na rin niyang makipag-usap sa kahit na sino at hindi na rin siya gaanong natutulog.
Kaya bago pa mangyari sa iyo ang mga ito, ang payo ay layuan mo ang sinumang umaalipin sa iyo.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments