top of page
Search
BULGAR

Pahiwatig na pagdugtungin ang nakaraan at hinaharap gamit ang mga ngiti, biro at harot

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 25 , 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Tess na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Ano ibig sabihin ng panaginip ko na tumawid ako sa hanging bridge, nakababa na ako habang hinihintay kong makababa ‘yung tatlong matandang babae?


Naghihintay,

Tess


Sa iyo, Tess,


Ang tulay ay nagdurugtong ng dalawang lugar na magkahiwalay kung saan para makapunta sa kabila, kailangang tumawid sa tulay. Kaya kapag walang tulay, hindi makakapunta sa kabila o sa susunod na pupuntahan o daraanan. Kaya ang tulay ay tagapagdugtong ng dalawang lugar.


Kapag may mga bagay na “air type” sa mga panaginip tulad ng hanging bridge, ang nanaginip ay ikokonsiderang “air type” na nilalang. Ibig sabihin, hangin o air ang udyok ng buhay na sumasakanya. Ang isa pang kahulugan, hangin ang magbibigay sa kanya ng magagandang kapalaran at magsisilbing susi para maabot niya ang kanyang mga pangarap.


Dahil dito, ayon sa panaginip mo, para mapagdugtong mo ang iyong nakaraan at hinaharap, saya ang iyong kailangan dahil ito ay para sa mga air type na nilalang.


Gayundin, ang isa pang kahulugan, kailangang lagyan nila ng saya ang bawat gagawin nila. Kahit ang pinakamahirap na trabaho ay dapat may saya sila. Kaya anuman ang iyong gusto sa buhay, huwag mong kalilimutan na saya ang magdadala sa iyo sa tagumpay.


Ito rin ay nagsasabing kahit dumadaan ka sa problema, haluan mo ng saya. Kahit pinahihirapan ka ng mga hamon ng kapalaran, ang saya ay dapat nasa iyo pa rin. Paano? Kung pagod ka, ngumiti ka dahil ito ay nakakapawi ng pagod. Kung iniinis ka ng mga tao sa paligid mo, ngitian mo lang sila dahil muli, ang ngiti ay para sa mga air type.


Kung nababagot ka, magharot ka dahil tulad ng ngiti, ang harot ay para sa mga tulad mo. Kung sa kasalukuyan ay naghihirap at nagdudusa ka sa kalungkutan at kabiguan, magbiro ka dahil ang ngiti, harot at biro ay para sa mga tulad mo.


Pero kahit wala kang kasama, ngumiti, magharot at magbiro ka sa iyong sarili. Gawin mo at huwag mong kalilimutan ang mga ito sa lahat ng sandali dahil ang mga ito ang magdurugtong ng iyong nakaraan at hinaharap.


At kung nawala ang ngiti, harot at biro sa iyong buhay, hindi ka na makakaalis sa iyong nakaraan at ang taong nabubuhay na lang sa kanyang nakaraan ay malabong makamtan ang kaligayahan.


Ang tatlong matandang babae sa panaginip mo ay ang iyong matatandang karanasan kung saan sinasabi ng panaginip mo na sa mga ito ka kumuha ng mga aral na magagamit mo sa iyong hinaharap.


Kaya sila ay matatanda na dahil ang mga karanasang ito ay nangyari noong bata ka pa. Kumbaga, sobrang bata ka pa noon at nakaranas ka ng mga pangyayari at may mapupulot kang aral sa buhay.


Kapag naunawaan ng tao ang kanyang mga panaginip, para na ring sinabing hindi na siya mabibigo sa kanyang buhay dahil nakikinig siya sa mga gabay na ibinibigay ng kanyang mga panaginip.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page