ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 4, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Alona na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil worried ako sa aking panaginip. Pagkatapos kong magdasal noong nakaraang buwan, nanaginip ako ng may malakas na bagyo at tsunami saka may tatamang bulalakaw sa mundo at kapag tumama ito, sapol na sapol ang ibabaw ng mundo.
Naghihintay,
Alona
Sa iyo, Alona,
May mga taong nabibiyayaan ng tinatawag na “apocalyptic dreams.” Sila ang mga nananaginip ng mangyayari pa lang at ang kanilang mga panaginip ay may kaugnayan sa magaganap sa mundo at sangkatauhan.
Sa biglang tingin, ikaw ay parang napabilang sa kanila. Gayunman, ang pagkakaroon ng bagyo ay natural na nangyayari sa buong mundo, lalo na sa ating bansa. Ang tsunami naman ay ganundin, hindi man kadalasan ay hindi nakapagtataka kapag nangyayari.
Ang mga bulalakaw ay araw-araw ding makikitang nahuhulog sa lupa. Marami sa kanila ay natutunaw bago sumayad sa mismong lupa, pero minsan ay hindi maiwasan na may maliliit na piraso na aktuwal na nahuhulog sa lupa.
Dahil sa maliliit hanggang sa sobrang maliit, hindi na sila nasasagap ng mga instrumento na nagbabantay sa mga bulalakaw na tatama sa lupa. Madalas, ang mga bahagi ng bulalakaw ay sa karagatan nahuhulog dahil ang dagat ay sa totoo lang, mas malawak kaysa sa kalupaan, kumbaga, dahil malawak ang tsansa na dagat ang makasapo nito.
Minsan, nahuhulog din ito sa kalupaan at ito ay parang bato sa tingin, pero sobrang tigas at may makikitang sunog na bahagi. At alam mo, iha, ang makapulot ng kahit isang maliit na piraso ng bulalakaw ay puwedeng yumaman dahil milyong piso ang halaga nito.
Muli, maaaring isa ka sa mga iilang mga tao na nabiyaan ng kakayahang makapanaginip ng mangyayari pa lang sa mundo. Gayunman, sa kuwento ng panaginip mo, walang nabanggit kung kailan o walang ipinahiwatig na palatandaan kung paano at kailan ito magaganap.
Ang mga taong ginagamit ng langit na managinip ng magaganap sa mundo ay may kalakip na responsibilidad na magbigay ng warning o babala para ang mga tao ay magbago o makapaghanda.
Dahil dito, sa kakapusan sa impormasyon ng iyong mga panaginip, hindi muna natin sasabihin na ito ay isang pabalita mula sa langit.
Huwag kang masiraan ng loob o mag-isip ng negatibo na ikaw naman pala ay hindi ginagamit ng langit para makapagbigay ng mahahalagang mensahe para sa mga tao. Kumbaga, hihintayin pa natin ang mga darating mong panaginip na maaaring mas malinaw kung kailan at paano ang mga pangyayari bago ang malakas na bagyo at tsunami at ang pagbagsak ng bulalakaw sa mundo.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
留言