ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 17, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Jasmine na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Naguguluhan ako sa aking panaginip, kaya naisipan kong sumangguni sa inyo. Ang totoo, noong nakaraang linggo pa ito pero hindi ko talaga makalimutan.
Nanaginip ako na nasa isang parang gubat ako, mapuno at maaliwalas. May nakita akong malaki at magandang Lotus flower na nakasara pa. Nu’ng hahawakan ko ito, biglang may lumiwanag nang husto at halos wala akong makita. Tapos, medyo humina ‘yung liwanag at kaya ko nang mag-adjust at du’n ko nakita na nakabukas na pala ‘yung Lotus at sa gitna nu’n, nakatayo si Jesus. Inaabot Niya sa akin ang kamay Niya at napakaaliwalas ng mukha Niya.
Umiiyak ako sa saya nang makita Siya, lalo na nang ngumiti Siya. Nang aabutin ko na ang kamay Niya, bigla akong nagising dahil sa tawag ng mama ko.
Hanggang ngayon, nahihiwagaan ako sa kahulugan nito. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko? Sa ngayon, ako ay single mom at 3-anyos ang anak ko at nakatira ako ngayon sa mama ko.
Naghihintay,
Jasmine
Sa iyo, Jasmine,
Mahirap talagang maging single parent dahil madalas ay malungkot, nangunguilala at napapaiyak na lang mag-isa. Pero kailangan mong maging magpakatatag dahil sa kaisa-isang minamahal mong anak.
Sa iyong panaginip, ang mensahe ni Jesus ay kasama Siya sa mga paghihirap mo. Mahirap paniwalaan, pero ang nasabing katotohanan ay makikita sa sikat na sikat na awitin noon at hangang ngayon na kapag naririnig ng mga tao, hindi nila maiwasang tumigil sa anumang kanilang pinagkakaabalahan dahil ang awit ay tungkol sa kanilang buhay.
Ito ay ang awiting “Footprints in the Sand.” Sa awiting ito, para bang sinasabi na ang nakikitang bakas ng mga paa sa buhangin ay kay Jesus dahil ang totoo, binbuhat ka Niya. Kumbaga, pasan ka ni Jesus, kaya ito rin ay nagsasabing bahagi Siya ng paghihirap ng bawat tao habang sila ay naglalakad sa landas ng kanilang buhay na mahirap na lakaran.
Totoo man ito o hindi, masarap pakinggan ang nasabing awitin dahil gumagaan ang mga pasanin ng tulad mong single parent. Mas maganda kung aktuwal na marinig ng iyong mga tainga ang lyrics ng nasabing kanta dahil madarama mo talaga na si Jesus na iyong Panginoon ay nagmamahal sa tulad mong nag-iisa sa pakikibaka sa buhay.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments