ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 10, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Monique na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Ganito ang napanaginipan ko na nais kong bigyan n’yo ng interpretasyon. Matagal nang patay ang tatay ko at sa aking panaginip, nasa simbahan kami ng Baclaran at nandu’n ‘yung ataul niya at minimisahan siya dahil araw na ng libing nya. Ano ang ibig sabihin nito? Maraming salamat sa inyong magiging tugon.
Naghihintay,
Monique
Sa iyo, Monique,
Alam mo, iha, hindi lang ang mga buhay ang nahihirapan dahil sa panaginip, makikitang ang mga patay o kaluluwa ng patay ay naghihirap din. Ito ang natatagong katotohanan sa iyong panaginip.
Pero ‘di ba, sa patay, ang sinasabi natin ay “Rest In Peace” kaya inaasahan din naman na sila ay nasa payapa na, as in, sa kapayapaan. Kumbaga, dahil nasa langit na sila, masaya na silang kapiling ang Dakilang Manlilikha.
Kaya lang, iha, sa Sagradong Aklat, may nakasulat na nagsasabing, “May isang kaluluwa na nakikiusap kay Amang Abraham na siya ay makabalik sa lupa dahil ang gusto niya ay makausap ang kanyang mga mahal sa buhay.”
Kinukulit niya si Abraham dahil hindi siya mapakali at matahimik, kumbaga, hindi siya “Rest In Peace,” kaya ang iyong napanaginipan ay malamang na base sa mga nangyayari kung saan naroon ang mga namayapa ng kaluluwa na namatay na.
Pero bakit kaya ganu’n na lang ang pangungulit niya? Bakit kaya hindi siya matahimik?
Dahil ayon sa mismong nakasulat, ang gusto ng kaluluwa niya ay sabihin sa mga mahal niya sa buhay na nasa lupa na mabuhay sila sa kabaitan, kabanalan at tamang landas. Kaya lang, hindi pumayag si Abraham at kanyang sinabi, “Nasa lupa ang kautusan,” kumbaga, ang dapat na lang ay sundin ng tao ang mga batas at utos ni God.
Ito rin ang mensahe ng iyong panaginip, na ang gusto ng tatay mo ay bumuti ang buhay n’yo, lumayo sa masama at huwag magkasala. Kumbaga, kahit nasa kabilang buhay ang tatay n’yo, mahal na mahal pa rin niya kayo.
Kaya ang pahabol na mensahe ng panaginip mo ay nagsasabing magsikap kayo nang sa gayun ay gumanda ang buhay n’yo dahil ang inyong ama ay hindi matatahimik kapag may nakikita siyang isa o ilan sa mga mahal niya sa lupa na walang direksiyon ang buhay at ayaw magsikap.
Kumbaga, matutupad ang sinasabing “Rest In Peace” sa kaluluwa ng tatay mo kapag maayos na ang inyong buhay at maunlad na ang bawat miyembro ng inyong pamilya.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments