ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | May 15, 2023
Sa pagkakataong ito, hayaan n’yo ang inyong lingkod na magbigay-pugay sa isang minamahal at patuloy na mamahaling kapamilya.
Noong Mayo 13, 2018, sumakabilang-buhay ang isa sa mga ikinokonsiderang haligi ng lehislaturang Pilipino. Nakakataba ng puso dahil ang taong ito ay walang iba kundi ang aking pinakamamahal na ama na si dating Senate President Edgardo Javier Angara.
Noong Mayo 13, 2023, sa ikalimang anibersaryo ng kanyang pagpanaw, ating gunitain ang kanyang mga iniwang marka bilang isang senador at Pilipino.
Napakaraming adbokasiya ng aking ama, kabilang d’yan ang edukasyon, agham, sining, kasaysayan at kultura at napakarami pang iba.
Taong 2010, Marso 26, isinabatas ang RA 10066 o National Cultural Heritage Act – ang batas na nangangalaga sa ating cultural treasures. Ang pangunahing awtor ng batas na ‘yan sa Senado ay ang aking ama dahil sa sinseridad niyang protektahan ang yaman ng ating kultura. Isinulong niya ito, unang-una, dahil ito ang magsisilbing simbolo natin bilang Pilipino – ang magpapatingkad sa ating nasyonalidad. At bilang miyembro ng Mababang Kapulungan nang mga panahong ‘yun, isinulong din natin ang katulad na batas sa layuning mas mapalakas ang kultura at kasaysayang Pilipino.
Matatandaan na noong 2003, pinagtibay ng dating Pangulo na si Gloria Macapagal-Arroyo ang Proclamation No. 439 na nagtatatag sa buwan ng Mayo kada taon bilang National Heritage Month.
At bilang tagapagtaguyod sa nasimulang laban ng aking ama sa promosyon ng kultura at kasaysayan ng bansa, marami rin tayong mga isinusulong na panukalang-batas na may kinalaman dito.
Ang Senate Bill 1012 na nagdedeklara sa Chinese New Year bilang special non-working holiday ay isa sa ating mga panukala sa kasalukuyan. Ito ay bilang pagpaparangal sa kultura ng ating mga kababayang Tsinoy na naging kaagapay natin sa mga pinagdaanang digmaan noong mga nagdaang panahon. Malaki rin ang kanilang kontribusyon kung bakit marami sa mga Pilipino ay maituturing na middle class.
Ang SBN 1616 ay nagtatalaga naman sa Nobyembre 7 taun-taon bilang Sheikh Karim’ul Makhdum Day, isang special national working holiday, bilang pag-alala sa pagkakatatag ng kauna-unahang mosque sa Pilipinas sa Bohe Indangan, Simunul Island, Tawi-Tawi. Ito rin ang nagpasimula ng Islam sa bansa sa pagdating ng Arab missionary na si Shariff Karim’ul Makhdum.
Malaki rin ang ating pagpapahalaga sa mga produkto na naging bahagi ng kasaysayan at kulturang Pilipino.
Sa isa pa nating panukalang-batas, ang SBN 1868 ay nag-aatas ng pagkakaroon ng Protected Geographical Indications para sa mga produktong agricultural, gayundin sa natural products, processed goods o anumang handicraft products, bilang garantiya na ang mga ito ay tunay na gawa sa lugar na sinasabing pinagmulan ng mga ito.
Ang ating SBN 999 o ang Philippine Native Animal Development Act ay naglalayong siguraduhin ang kaligtasan ng mga unique Filipino breeds of animals. Ang mga panukalang ito ay may kaugnayan sa isinusulong nating “Tatak Pinoy” – isa sa ating mga adbokasiyang ipinagmamalaki ang mga industriya, negosyo at mga mangangalakal ng Pilipinas.
At bilang pakikiisa sa ating ama sa kanyang pagpapahalaga sa kasaysayang Pilipino, isang panukalang-batas din ang ating inihain –ang SBN 1167 na nag-aatas sa pagtatatag ng resource centers para sa ating indigenous cultural communities. Sinisiguro nito na ang lahat ng Filipino IPs ay hindi napag-iiwanan sa basic, social, technical and legal services.
Liban sa mga panukala nating ito, marami ring heritage-related interventions ang ipinaloob natin sa 2023 national budget. Kabilang d’yan ang pondong P2 milyon para sa Filipino Heritage Festival, isang month-long celebration of cultural events na isinasagawa sa iba’t ibang panig ng bansa. Layunin natin dito na maiukit sa kaisipan ng mga bagong henerasyon ang kahalagahan ng ating kasaysayan sa iba’t ibang aspeto.
Nar’yan din ang P94 milyong pondo para sa restorasyon ng mga istruktura na nasa ilalim ng pangangalaga ng National Historical Commission of the Philippines; sa selebrasyon ng Philippine-Spanish Friendship Day; restorasyon ng Mabini Shrine na nasa Sta. Mesa Manila; Molo Church sa Molo, Iloilo; Patnongon Old Casa Municipal sa Patnongon, Antique at ang Nagcarlan underground cemetery sa Nagcarlan, Laguna.
Dapat lamang na pangalagaan at tiyakin ang preserbasyon ng mga istruktura ng ating kasaysayan, sapagkat ito ang nagpapakilala sa ating nasyonalidad bilang Pilipino. Kung gaano pinahalagahan ng ating yumaong ama ang yaman ng ating kasaysayan at kultura, ganitong pagpapahalaga rin ang ating ginagawa bilang lehislador sa kasalukuyan.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments