top of page
Search
BULGAR

Pahalagahan ang kalusugan, mga natutunan sa pandemya, susi para sa mas matatag na Pilipinas

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | February 16, 2022



Bilang Chair ng Senate Committee on Health, natutuwa tayo sa pinakahuling resulta ng Social Weather Stations survey na isinagawa noong Disyembre 12-16, 2021. Sinasabi sa ulat na 57 percent ng adult Filipinos ang mas pinipili ang kanilang magandang kalusugan kumpara sa pag-ibig at pera.


Patunay ito na sa panahon ngayon, mas binibigyang-halaga na talaga natin ang kalusugan kumpara sa ibang bagay. Ito siguro ang positibong resulta ng COVID-19 pandemic dahil naging conscious na tayo kung paano mapapanatiling ligtas ang ating sarili sa iba’t ibang sakit, at maging ang ating pamilya at komunidad. Ito ang isa sa mga natutunan natin mula sa pandemya na dapat nating mas pahalagahan para makamit ang mas matatag na Pilipinas.


Nagkaroon kasi tayo ng takot at pangamba nang dumating ang krisis pangkalusugan na dulot ng COVID-19. Nakita nating wala itong sinisino, at kahit ano ang kalagayan sa buhay ay puwedeng dapuan nito at maaaring mauwi sa kamatayan. Nagugulat na lang tayo kapag nabalitaan na ang isa nating malapit na kaibigan, kamag-anak, kakilala o sikat na personalidad ay pumanaw na pala dahil sa COVID-19.


Nakatulong sa pagkakaroon ng ganitong mentalidad ang lagi nating pagpapaalala sa ating mga kababayan na panatilihing malusog ang kanilang mga sarili. Wala ring humpay ang ating pakiusap sa lahat na laging sumunod sa mga ipinatutupad na health protocols anumang oras.


Sa ating pagkakaloob ng tulong sa mga komunidad na aking pinupuntahan, kabilang palagi sa ating ipinamamahagi ang mga facemasks, alcohol at bitamina para hindi na makadagdag pa sa gastusin ng ating mga kababayan, lalo na ng mga higit na nangangailangan, para sa dagdag na proteksyon nila sa araw-araw. Maliit na bagay kung tutuusin, pero nakakatulong para mapangalagaan nila ang kanilang sarili at komunidad.


Isa pang magandang balita. Noong Lunes, Pebrero 14, 2022 ay nakapagtala ang Department of Health ng 2,730 lamang na bagong kaso ng COVID-19. Pinakamababa ito sa mga naitatala ngayong taon. Bagama’t hindi pa naman natin sinasabi na ito ay tuluyang downward trend na, nakikita naman natin ang magagandang resulta ng halos dalawang taon nating sakripisyo habang nakikipaglaban sa pandemya.


Kapag ganito ang sitwasyon, nakahihinga nang maluwag ang ating mga medical frontliners.


Nagkakaroon din ng pagkakataon ang mga kababayan nating may ibang sakit na magpakonsulta sa ospital na mas konti ang pangamba.


Umaasa ako na patuloy pang bababa ang mga kaso ng COVID-19 kung mas marami pang kababayan natin ang mababakunahan. Kaya wala tayong tigil ng pakikiusap sa ating mga kapwa Pilipino kapag naglilibot ako sa iba’t ibang komunidad sa buong bansa na kung hindi pa sila bakunado ay agad nang magpabakuna, lalo na kung kuwalipikado naman. Ganito rin ang pakiusap ko sa mga senior citizens na nag-aalinlangan pa at pati mga magulang ng mga batang limang taon hanggang 11 na ngayon ay kasama na sa mga maaaring bakunahan.


Paulit-ulit din nating sinasabi dahil kailangan itong maunawaan at tumatak sa isip, lalo na ng mga may agam-agam pa na ang bakuna lamang ang tanging susi o solusyon sa ngayon upang unti-unti tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay, at tuluyang makapagbukas ang malaking bahagi ng ating ekonomiya.


Sinisikap natin na sa mga susunod na araw at buwan ay mas bumaba pa ang bilang ng mga kaso.


Gayunpaman, hindi tayo dapat maging kumpiyansa. Kailangan pa rin ang sapat na pag-iingat, pagsunod sa mga patakaran, at pakikipagbayanihan upang tuluyan na tayong makaahon mula sa krisis na ito.


Kung magpapatuloy ang pagpapahalaga ng ating mga kababayan sa kanilang kalusugan, at mananalig ang malaking bahagi ng ating populasyon sa bakuna, talagang unti-unti na nating masisilayan ang sinasabing “light at the end of the tunnel". Lahat ito ay maaabot natin kung patuloy tayong magmamalasakit sa kapwa upang tuluyang malampasan ang krisis bilang isang mas matatag na bansa.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page