top of page
Search

Pahalagahan, alagaan ang sariling wika

BULGAR

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Feb. 19, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

May bagong seryeng gawa sa Amerika na mapapanood online na pinamagatang ‘The Pitt’. Ukol ito sa buhay at hanapbuhay ng napakaabalang mga doktor, nars at iba pang manggagawa sa emergency room ng isang ospital sa Pittsburgh. 


Sa bandang umpisa pa lang ng palabas na ito ay may makikitang dalawang nag-aalalang nars na may ikinukonsulta nang mabilisan sa isang manggagamot gamit ang wikang Ingles. Matapos silang makakuha ng ‘di kasiya-siyang sagot mula sa Amerikanong mediko, ang dalawang nars ay maririnig na bumubulong sa Tagalog.


Ating naikuwento iyan sapagkat ang darating na Biyernes ay ang taunang pagdiriwang ng International Mother Language Day. Ika-25 anibersaryo o silver jubilee sa taong ito ng espesyal na araw na iyan, na nagsimula sa pagiging inisyatiba mula sa Bangladesh hanggang sa maiproklama ng UNESCO at mapagtibay ng United Nations (UN).


Layunin ng selebrasyong ito, na ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino ay ang Pandaigdigang Araw ng Unang Wika, na mabigyang-diin ang tungkulin ng mga lengguwahe upang makamit para sa sangkatauhan ang naitalaga ng UN na Sustainable Development Goals o mga SDG. Kabilang sa layon nito ay ang multilingguwal na pag-aaral bilang pantaguyod ng inklusibong mga lipunan at pag-aalaga sa mga wika, pangunahin man o minorya o katutubo. Ito ay para rin sa makatao’t karampatang pagkamit ng edukasyon at pagkakataong makapag-aral at matuto sinuman habang buhay.


Ang natatantiyang 180 na lengguwaheng laganap sa ating mga isla ay bahagi ng mahigit 8,300 na mga wika sa buong mundo, ngunit tinatayang nasa bandang 7,000 na lang ang aktibong nagagamit pa rin. Ibig sabihin, may isang libo mahigit na mga wika ang tila namahinga na dahil sa kawalan ng malawakan o masigabong komunikasyon gamit ang mga iyon. 


Mahalagang kalakip ng usaping ito ang pananaw na ang ating iba’t ibang wika ay makatutulong sa pag-unlad lalo na ng kabataan habang sila ay lumalaki bilang tao at umuusbong bilang mamamayan. Kaya mainam na alalahanin na mas makaiintindi ang mga musmos na makapag-aral sa pamamagitan ng kanilang katutubong wika, bilang matatag na pundasyon bago pa man sila tumuloy sa mas kumplikado’t nakatataas na mga antas ng kaalaman. Kung magiging limitado ang kanilang paggamit ng sariling wika sa pag-aaral, posibleng maging limitado rin ang kanilang magiging pagkatuto at pag-unlad. Kung maraming kabataan ang magiging ganito, paano na ang kinabukasan ng ating bansa, pati ng mundo?


Nakababahala ring marinig na hirap managalog at bagkus ay Ingles ang panambit ng maraming mga bata sa kalakhang Maynila, dahil napakadali nga namang makapanood ng mga palabas na iyon ang lengguwahe. Mabuti na lang at kahit papaano’y naisasalba ang kalagayang ito sa pamamayagpag, halimbawa, ng maimpluwensyang mga teleserye o pelikula na ang gamit pangsalitaan ay ang ating matamis na pangunahing wika.


Kung tutuusin, pagkakakilanlan natin iyan. Hahayaan ba nating mabura’t maglaho ito, pati ang ating pagka-Pilipino, at mapalitan ng pagkataong hindi sa atin?


Napakahalagang mapangalagaan ang ating sariling mga wika sa gitna ng pagpapatuloy ng globalisasyon, kung saan walang patid ang pakikipag-ugnayan ng iba’t ibang lahi sa isa’t isa at tuluy-tuloy ang pakikipagsapalaran ng mga OFW na malayo na nga sa kanilang Inang Bayan ay nangangailangang makisalamuha sa mga katrabaho’t amo na walang kaalam-alam sa ating mga salita.


Sa kabilang banda, magandang pagkakataon ang naturang pandaigdigang pagtanaw upang lalong maipaunawa kung gaano kahalaga — kasinghalaga ng ating mismong dugo’t paghinga — ang wika sa ating pamumuhay. Ang ating wika nga naman ang pangunahin nating kasangkapan sa pamamahayag — sa pananalita, pagsusulat at pag-iisip. Ito ang primerong paraan upang maipahiwatig ang ating naiisip at nararamdaman imbes na ikubli at ikulong ang ating mga saloobin sa kasuluk-sulukan ng ating isipan.


Kung kaya’t ang ating mga wika, sa kabila ng dami’t pagkakaiba ng mga ito, ay tagapagpanatili ng ating kultura’t legasiya at ating pambuklod sa iba. Lumalabas na ang mga katutubong wika ay ating paraluman sa pagbaybay sa kompleksidad ng modernong buhay at, sa pinakapayak na banda, ating kaparaanan upang maunawaan ang isa’t isa.


 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page