top of page
Search
BULGAR

Pagwawasto sa maling learning materials, gawing mabilis at maayos!

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | November 3, 2020



Sa pagpapatuloy ng edukasyon sa panahon ng pandemya ng COVID-19, hindi lamang ang paraan ng pagtuturo ang dapat nating tutukan. Kailangang siguruhin din natin na tama ang mga araling itinuturo sa kabataang mag-aaral. Upang matiyak natin ito, hinihimok ng inyong lingkod ang Department of Education (DepEd) na paigtingin ang pagrepaso sa kalidad ng learning materials na ginagamit para sa distance learning.


May ilang beses na ring tinawag ang atensiyon ng DepEd dahil sa mga pagkakamaling nakikita sa mga learning materials nito. Kung inyong matatandaan, may ilang episodes ng DepEd TV ang nag-viral dahil sa mga nakitang pagkakamali.


Mula Oktubre 12 hanggang 20, higit kuwarenta na ang mga pagkakamali na naiulat sa proyektong Error Watch ng DepEd. Halos karamihan dito ay local modules na hindi nasuri ng kagawaran.


Ayon sa DepEd, naiwasto na ang ilan sa mga pagkakamaling ito at nakikipag-ugnayan na rin sila sa volunteers at mga katuwang sa sektor ng akademya upang matiyak ang kawastuhan ng mga aralin.


Ngunit kahit na nakakatulong ang proyektong Error Watch sa pagwasto sa mga aralin, naninindigan tayo na dapat naiwawasto na agad ang mga aralin bago ipamahagi sa mga mag-aaral at makaiwas sa kalituhan.


Bukod dito, dapat ding paigtingin ang pakikipag-ugnayan ng mga eksperto sa mga lokal na tanggapan ng DepEd, lalo na’t karamihan sa mga naitalang pagkakamali ay mula sa mga ginawa ng kanilang field units.


Ang pagkakaroon ng de-kalidad na learning materials ay dapat maging bahagi ng pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng pandemya.


Naniniwala tayong makatutulong ang ating panukalang magdagdag ng mga tinaguriang center for excellence para sa teacher education sa paglikha ng de-kalidad na learning materials.


Nakasaad sa Republic Act No. 7784 na layong i-angat ang kalidad ng edukasyon ng mga guro sa bansa sa pamamagitan ng pagtatatag ng Centers of Excellence at pagbuo sa Teacher Education Council. Isa sa mga tungkulin ng center of excellence ay magsilbing sanggunian sa paglikha ng iba’t ibang materyales para sa pagtuturo.


Ang problema — sa 1,600 na Teacher Education Institutions (TEIs), 74 lang ang maituturing na mga center of excellence o development.


Inaasahan natin ang mabilis at maayos na pagtugon sa suliraning ito sa lalong madaling panahon.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page