ni Jasmin Joy Evangelista | November 6, 2021
Ipinauubaya na ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer kung ipagpapatuloy ang work-from-home arrangement ng kanilang mga empleyado sa kabila ng COVID-19 pandemic.
Ito ay ipinahayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III matapos magdesisyon ang national government na luwagan ang quarantine classification ng Metro Manila sa Alert Level 2.
“Yung employer sasabihin kailangan ko na mag-report na kayo dahil maluwag naman mga health protocols. Palagay ko naman magkakaintindihan mga empleyado,” ani Bello sa isang panayam.
Ayon naman kay Sergio Ortiz-Luis ng Employers’ Federation of the Philippines, posibleng hindi papasukin ng mga employers ang kanilang mga empleyado dahil pa rin sa issue sa transportasyon.
“Marami riyan hindi pa rin papasukin ‘yung mga tao dahil ang may kulang hindi sila. Ang may pagkukulang ay itong nasa transportasyon,” ani Ortiz-Luis.
“Lalo sa opisina na pinaglayu-layo mo yung ano, 50% lang, edi ganun work-from-home ‘yung iba. Papasukin mo ngayon, Paano ‘yun? Maglalaki ng opisina?” dagdag niya.
Comentários