ni Eddie Paez, Jr. @Sports | May 23, 2023
Hindi nagpakaldag ang batikang si Juvic Pagunsan ng Pilipinas kina Japanese Taihei Sato at Kaiga Semikawa sa gitgitang duwelo sa huling 18 butas upang koronahan ang sarili bilang hari ng Japan Golf Tour: Golf Partner Pro-Am Tournament noong Linggo sa Ibaraki, Japan.
Umuusok na 23-under-par 257 ang ipinoste ng 45-taong-gulang na Pinoy sa torneo kabilang na ang dalawang birdies sa huling tatlong mga butas upang buhusan ang apoy ng mga atakeng ginagawa ng mga mas nakababatang pambato ng punong-abala.
Ang pinagsama-samang kartada na 64-63-64-66 mula sa apat na araw ng paghataw ay nagbigay kay Pagunsan ng gantimpalang JPY 22,000,000 o halos Php 4.8M.
Dalawang palo sa likod ni Pagunsan, nagkampeon din sa Japan Tour noong 2021 (Gateway To The Open: Mizuno Open), si Sato, 30-anyos, at Semikawa, edad 22, na nakuntento na lang sa paghahati sa pangalawang baytang.
Dalawa pang Hapones ang nagsosyo ng pang-apat posisyon. Ito'y sina Yosuke Tsukada at Yusaku Hosono na kapwa umiskor lang ng 19-under-par 261. Walong palo sa likod ng kampeon ay si Justin Delos Santos (14th, 265 strokes, JPY 944,000).
Comments