ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 03, 2021
Hindi pa marahil tiyak ni champion golfer Juvic Pagunsan ang sagot sa katanungang ito ngunit malamang na pag-iisipan niyang mabuti kung saka-sakali kung saan sa dalawang makasaysayang bakbakan siya papalo sa mga susunod na linggo.
Kasalukuyang nasa pang-50 ang posisyon ng Pinoy sa 60 piling golfers na papayagang sumali sa Olympiad at tatlong linggo na lang ang natitira bago ito makumpirma. Ang upuan niya sa “The Open” ay kumpirmado nang naghihintay sa kanya.
At habang nagmumuni-muni ang premyadong parbuster ng Pilipinas, sasabak muna ito sa Japan Golf Tour (JGT) Championship Mori Building Cup na masasaksihan sa Shishido Hills Country Club ng Kasama, Ibaraki, Japan.
Mataas ang kumpiyansa ni Pagunsan sa paglahok sa paligsahang may cash pot na JPY 150,000,000 (kabilang na ang JPY 30,000,000 sa magwawagi) dahil sa nakalipas na tatlong torneo ay dalawang beses siyang nakapasok sa podium.
Noong isang linggo, nakita ang kanyang pamatay na abilidad sa kabila ng tindi ng atake ng mga karibal mula sa Japan, India at Australia at matagumpay na inangkin ang trono ng Gateway To The Open Mizuno Open na ginanap sa Setonaikai Golf Club ng Okayama, Japan. Kumana siya rito ng 20 birdies kontra sa tatlong bogeys tungo sa pagposte ng iskor na 199. Tatlong palo ang naging agwat niya sa pinakamalapit na karibal.
Bukod sa karapatang matawag na kampeon sa Japanese Tour sa unang pagkakataon at sa pabuyang JPY 16,000,000 na natanggap bilang kampeon, nakuha rin ng tubong Bacolod na golfer ang pasaporte para muling makasali sa makasaysayang British Open, kilala rin sa bansag na The Open, sa England sa pangalawang pagkakataon.
Kamakailan din ay niregaluhan niya ang kanyang sarili ilang araw pagkatapos ng kanyang ika-43 na kaarawan sa pamamagitan ng isang runner-up finish (mainit na 9-under-par 279 strokes mula sa rounds na 69-71-70-69) na nagkakahalaga ng Php 4.8M sa Asia Pacific Diamond Cup (ginanap sa palaruan ng Sagamihara Country Club, Kanagawa, Japan).
Comments