ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | February 19, 2021
Sa kabila ng pagpayag na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases sa pagbubukas ng ilang non-essential business maliban sa pagbubukas ng sinehan na naurong ngayong Marso ay isa sa pinag-uusapan ang pagbabalik na ng face-to-face classes sa bansa.
Ramdam na natin ang pagpipilit ng ilang sektor hinggil sa nais nilang payagan na ang mga bata na sumamang mamasyal sa mga shopping mall dahil malaking tulong umano ito pagbangon ng ekonomiya na pinadapa ng husto ng pandemya ito.
Ngunit dahil sa pagpasok ng bagong UK variant ay marami ang umapela na ipagpaliban na muna ang pagpayag sa pamamasyal ng mga bata dahil lubhang napakadelikado ayon sa mga eksperto.
Ngunit ngayon ay unti-unti naman tayong nakararamdam ng pressure hinggil sa iba’t ibang grupo na hindi man lantaran at diretsong tungkol sa pagpapalabas sa mga bata ang kanilang tinutukoy ay dito pa rin patungo ang kanilang mga hinaing.
Posibleng may punto rin ang ilang grupo ng mga negosyante at magulang lalo pa’t ang pamahalaan ng Estados Unidos ay nagpahayag na nais nilang bigyang prayoridad ang face-to-face classes ng kanilang mga mag-aaral.
Maging ang pamunuan ng Department of Education (DepEd) ay may ginagawang paghahanda para sa dry run ng limited face-to-face classes habang hinihintay nila ang pagpayag ng IATF hinggil dito.
Sakali umanong pumayag ang IATF na payagan na ang face-to-face classes ay posibleng unahin umano ng DepEd ang mga senior high school student lalo na sa technical vocational track.
Katunayan nitong pagpasok ng taon ay susubukan dapat ng DepEd na magsagawa ng dry run para sa face-to-face classes sa ilang paaralan ngunit pinigilan mismo ito ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa bagong variant ng COVID-19.
Hindi natin ipinipilit ang pagbabalik agad ng face-to-face classes, ang sinasabi lang natin ay dapat pagtuunan ng pansin ang sitwasyon ng mga bata sa sistema ng kanilang pag-aaral sakaling payagan na silang makalabas at makapaglaro sa mga playground sa shopping mall.
Baka puwedeng tingnan ang sitwasyon na puwede nang mag-face-to-face classes ang mga batang nag-aaral basta tututukan lang ang pagpapatupad o pagbabantay sa ipinatutupad na health protocol.
Marami kasing mga magulang ang nagrereklamo na hindi umano natututo ang kanilang mga anak kumpara sa dating sistema na face-to-face classes.
Maging ang mga guro ay alam nating nahihirapan sa kasalukuyang sistema ngunit hindi nila magawang magreklamo ngunit maraming teacher na may anak ang tahasang nagsasabi na nais nilang ulitin ng kanilang anak ang school year na ito sakaling magbalik na ang face-to-face classes.
Maging ang pamunuan ng Curriculum and Instruction strand ng DepEd ay nais imungkahi na palawigin ang school calendar, na nakatakdang matapos sa darating na Hunyo 11.
Wala pa namang definite number of weeks na extension pero isa ‘yan sa tinitingnan ng DepEd para ang lahat ng mag-aaral, lalo na iyong medyo nagkakaroon ng challenges para mabigyan ng pagkakataon na maisumite ang mga kailangan pa nilang gawin.
Maraming lugar sa ating bansa, lalo na sa mga lalawigan ang wala talagang kaso ng COVID-19 ang baka puwede na nating payagang simulan na ang pagsisimula ng face to face classes basta magsagawa lamang ng physical distancing.
Iwan na iwan na kasi tayo kumpara sa maraming bansa sa Asya kung edukasyon ang pag-uusapan kaya nakakapangamba na maglakihan ang mga bata sa atin na kulang na kulang sa kaalaman.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments