top of page
Search
BULGAR

Pagtutulungan ng US at ‘Pinas, lumalim pa sana

ni Ryan Sison @Boses | Oct. 7, 2024



Boses by Ryan Sison

Matapos ang pananalasa ng Bagyong Julian sa ating bansa, matinding tinamaan dito ang lalawigan ng Batanes.


Kaya naman tumulong na ang United States (US) sa isinasagawang relief operations sa mga lubhang naapektuhan ng bagyo partikular na sa mga lugar sa Batanes, kung saan nagpadala sila ng mga equipment, kasama ang mga personnel para mag-assist sa mga otoridad.


Ayon sa Philippine Air Force (PAF), dumating ang dalawang KC-130J Hercules aircraft mula sa United States III Marine Expeditionary Force sa Villamor Air Base sa Pasay City noong Sabado.


Ang dalawang US aircraft ay naghatid ng mahahalagang humanitarian assistance at disaster relief supplies para sa mga biktima ng naturang super typhoon.

Sinabi rin ng PAF na ang naturang misyon ay bahagi ng pangako ng US government sa bansa upang mapadali ang kanilang disaster relief efforts sa pamamagitan ng United States Agency for International Development (USAID).


Sakay sa nasabing aircraft ang mga equipment at mga personnel na tutulong sa nagpapatuloy na relief operation sa lalawigan ng Batanes. 

Gayundin, bitbit nila ang mga essential items gaya ng mga family food packs, shelter repair kits, kitchen sets at iba pa.


Ayon kay Batanes Governor Marilou Cayco nasa 2,463 kabahayan ang apektado at totally damaged, habang 40 porsyento naman ang partially damaged.


Kaugnay nito, nakipagtulungan na ang Armed Forces of the Philippines (AFP), US Forces sa lokal na pamahalaan ng Batanes sa isinasagawang relief efforts.


Nakipag-ugnayan na rin ang Joint US Military Assistance Group (JUSMAG) team at mga tauhan mula sa USAID sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) para mapadali naman ang pamamahagi ng foreign disaster relief supplies sa mga apektadong komunidad.


Salamat at may bansang tulad ng US na mabuti ang loob at handang tumulong sa Pilipinas sa panahon ng kalamidad o sakuna.


Marahil, ginagawa nila ito dahil sa itinuturing nila tayong kaibigan kaya naman puno ang kanilang puso ng pagmamalasakit para sa mga Pilipino.


Sana lang hindi masira ang magandang samahang ito ng dalawang bansa bagkus ay lalo pang lumalalim habang patuloy na magkaisa sa iisang layunin na mapabuti ang kani-kanilang mga mamamayan at bayan.  


Hiling naman natin sa kinauukulan na tuluy-tuloy sana ang pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo, may bansa mang susuporta o wala. Lagi sanang iisipin na ito ay tungkulin na dapat ninyong gawin para pangalagaan ang kapakanan ng mga kababayan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page