ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Pebrero 10, 2024
Dumating na ang matagal na nating pinangangambahang posibleng mangyari — ang pagtutol ng ilang transport group sa Public Utility Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan ay tila umabot na sa karahasan.
Ito ay matapos na umalma ang mga kapamilya ng umano’y apat na inarestong mga suspek sa pagsunog sa isang modernized PUV sa Catanauan, Quezon.
Noong isang linggo, bandang Biyernes ng hapon ay napasugod sa Catanauan PNP ang mga kapamilya at kinondena ang tila maling proseso ng pag-aresto at pag-aakusa sa mga ito.
Ayon sa pahayag ng mga suspek at mga kapamilya, bakasyunista lamang umano sila sa Quezon at nasa bayan ng Mulanay para dumalo sa kapistahan doon.
Sa panayam sa kapatid ng isa sa mga inaresto, sinabi nito na ang apat ay mga ‘constant traveler’ at dumadayo sa iba’t ibang lugar para mag-obserba ng mga event at mga traditional festival.
Ayon sa apat, nagtataka umano sila nang bigla na lang silang ikulong matapos ‘imbitahan’ ng mga pulis sa presinto.
Pagdating aniya sa presinto, lumabas mula sa isang van ang limang testigo na driver, konduktor at 3 pasahero ng sinunog na sasakyan at agaran silang itinuro na sila raw ang sumunog sa modernized PUV.
Sa unang inilabas na press release ng PRO 4A, sinasabing inaresto ang apat matapos ang ginawang backtracking at masusing imbestigasyon ng Catanauan police.
Batay pa rin sa report, lumalabas na tila pawang mga “professional” ang mga sinasabing salarin at mga dayo sa lalawigan ng Quezon.
Kabilang sa mga inaresto ang dalawang civil engineer, isang business manager at isang film director.
Dapat na maging seryoso ang imbestigasyon sa insidenteng ito dahil nakatuon ngayon dito ang pansin ng ating mga kababayan na tila maiuugnay ang nangyari sa usapin ng PUV modernization program, at sana ay agad na maresolba ang naturang kaso.
Napakatagal na rin kasi ng resulta kung ano na ba ang kahihinatnan ng PUVMP ng pamahalaan at kung ano na ang kinalabasan ng mga isinagawang protesta ng mga tutol na transport groups sa nabanggit na sistema.
Matagal nang problema ng gobyerno ang isyu hinggil sa PUV modernization program, na layunin na tanggalin na sa kalsada ang mga lumang passenger jeepney na lubhang phased out na at hindi na ligtas pa sa mga komyuter at kalsada.
Subalit, maigting itong tinututulan ng ilang transport groups kung kaya’t makailang beses din silang nagsagawa ng transport strikes. Gayunman, nanindigan ang Land Transportation Office (LTO) na itutuloy nila ang programang ito pati na rin ang consolidated franchise scheme.
Kamakailan, pinagbigyan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos ang kahilingan ng jeepney drivers at operators para sa PUV consolidation.
Magugunitang, inaprubahan ni P-BBM ang rekomendasyon ng DOTr na bigyan ng hanggang Abril 30, 2024, na lumalabas na dalawa at kalahating buwan pa, ang gusto ng transport groups upang ipatupad ang consolidation ng PUV.
Ang palugit na ito ay pagbibigay ng tsansa sa mga jeepney driver at operators na magpalista matapos na hindi sila nakasali sa deadline na magparehistro at sumama sa PUV consolidation noong Disyembre 2023.
Harinawa ay magkaroon na nga ng pagtatapos sa isyu na ito.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments