ni Mary Gutierrez Almirañez | May 4, 2021
Pinaghahandaan na ng US Food and Drug Administration (US FDA) ang pagbabakuna sa edad 12 hanggang 15-anyos kontra COVID-19 gamit ang Pfizer simula sa susunod na linggo, batay sa nakalap na impormasyon ng New York Times mula sa ilang opisyal ng naturang ahensiya.
Kaugnay ito sa naging matagumpay na clinical trial test sa mga menor-de-edad nitong nakaraang buwan.
Ayon pa kay US Centers for Disease Control (CDC) Director Rochelle Walensky, posibleng magsimula ang vaccination rollout sa kalagitnaan ng Mayo kapag naaprubahan na ang emergency use authorization (EUA) nito para sa mga bata.
Sa ngayon ay sinimulan na rin ng Pfizer at Moderna ang trial test sa mga 11-anyos hanggang sa anim na buwang sanggol.
Naniniwala ang mga manufacturer na magiging matagumpay ang kanilang pag-aaral at umaasa sila na magiging available na ang mga bakuna kontra COVID-19 bago pa mag-2022.
Comments