top of page
Search
BULGAR

Pagtulungan nating iangat ang kalagayan ng mga manggagawang Pilipino

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | February 21, 2024



Masaya kong ibinabalita na nitong Lunes, February 19 ay pumasa na sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2534, o ang P100 Daily Minimum Wage Increase Bill. 


Isa tayo sa may akda at isa rin sa nag-sponsor sa Senado ng naturang panukala. Si Senate President Migz Zubiri mismo ang principal author nito, at si Senator Jinggoy Estrada naman ang principal sponsor. 


Dapat talaga ay may maayos na pasahod sa mga ordinaryong manggagawang Pilipino na naaayon sa pangkasalukuyang sitwasyon ng ating ekonomiya. Napakahalaga ng layunin ng SBN 2534 -- ang magkaloob sa mga manggagawang Pilipino ng suweldo na kayang masuportahan ang para sa pangunahing pangangailangan ng kanilang pamilya at maprotektahan sila laban sa kahirapan. 


Kung tuluyang maging ganap na batas ang SBN 2534, tataas ang daily minimum wage ng isang manggagawa nang PhP100. Mahalagang magkaroon ng balanse sa pagitan ng interes ng mga may-ari ng kumpanya at ng mga manggagawa upang mas maraming magkaroon ng trabaho na may sapat na suweldo.  


Napakahalaga rin sa panahong ito na magpakita ng pagiging mapagbigay o bukas-palad ng lahat. Kaya sa mga mayayaman, kung ‘di naman kayo malulugi, ipamahagi naman ninyo ang kita ninyo sa mga mahihirap — sa mga isang kahig, isang tuka, na bawat piso ay napakahalaga para merong pambili ng pagkain, at may laman ang kanilang tiyan sa araw-araw.


Bukod dito, hindi tayo tumitigil sa paghahatid ng serbisyo at pagmamalasakit sa iba’t ibang sektor ng ating lipunan. 


Noong Lunes, sinuportahan din natin ang pagpasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Senate Bill No. 2505 o ang Eddie Garcia bill, na isa rin tayo sa co-author. Kung maisabatas, layunin nito na proteksyunan at bigyan ng benepisyo ang mga manggagawa sa movie at television industry sa bansa. Isinusulong nito ang pagkakaroon ng patas na suweldo, dagdag na employment opportunities, at proteksyon laban sa pang-aabuso, mahabang oras ng pagtatrabaho, harassment, delikadong work environment at economic exploitation para sa mga artista at iba pang mga manggagawa sa pelikula at telebisyon. 


Dumalo rin tayo noong February 18 sa ginanap na Liga ng mga Barangay-Northern Samar Chapter gathering sa Pasay City sa paanyaya nina Board Member Arturo Dubongco at Councilor Bea Amande. Dito ay tinalakay ang mga hakbang upang maisulong ang disaster preparedness and resilience sa komunidad na isa sa aking mga pangunahing prayoridad. 


Naghatid naman ng tulong ang aking Malasakit Team sa 86 residente mula sa mga bayan ng Culasi, Hamtic, Barbaza at San Remigio sa Antique na bumabangon mula sa hagupit ng Bagyong Egay. Natulungan din ang anim na residente ng Libacao, Aklan. Nakatanggap din ang mga benepisyaryo ng tulong mula sa National Housing Authority sa ilalim ng programang aking isinulong noon para may pambili sila ng pako, yero at iba pang materyales sa pagkukumpuni ng kanilang nasirang tahanan. 


Nagpahatid din tayo ng dagdag na tulong sa 169 na indibidwal sa Lian, Batangas na nabigyan ng pansamantalang trabaho mula sa DOLE sa pamamagitan natin . Kasama naman ang tanggapan ni Senador Robin Padilla ay nagdala rin ang aking tanggapan ng dagdag-tulong sa 300 na mahihirap na residente ng Pasig City kasama si Konsehal Eric Gonzales.


Tinulungan din namin ang mga biktima ng sunog tulad ng 12 na residente ng Mati City; 30 sa Brgy. 30 at 115 naman sa Brgy. Nazareth, Cagayan de Oro City; at tatlong residente sa Binuangan, Misamis Oriental.


Sinuportahan at nagbigay rin tayo ng tulong sa mga kabataan na lumahok sa “Isang Isla, Isang Probinsya” One DavNor Samal Youth Project sa Island Garden City of Samal, kasama si Councilor Renz Allan Lacorte at ang Sibol Samal Youth. Lumahok tayo sa isang medical mission at nagbigay ng tulong sa 300 senior citizens sa Cavite City kasama ang ASIAN School of Advance Technology. 


Lubos ang ating pasasalamat sa mga kasamahan natin sa gobyerno na nagkakaisa ang layunin para matulungan ang ating mga manggagawang Pilipino. Ako ay patuloy na makikiisa at susuporta sa mga inisyatibong naglalayong pagtibayin ang kapakanan at karapatan ng ating mga kababayan lalo na ang mga mahihirap. Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy kong tutulong sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo sa inyong lahat, mga kapwa ko Pilipino!



 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page