top of page
Search
BULGAR

Pagtulong sa mga binagyo unahin kesa magarbong pagdiriwang ng Pasko

ni Ryan Sison @Boses | Nov. 20, 2024



Boses by Ryan Sison

Dahil sa nalalapit na rin ang Kapaskuhan, marami sa atin ang naghahanda para sa kabi-kabilang reunion, mga party at selebrasyon sa mga opisina, pabrika, eskwelahan, komunidad, kabilang na rito ang mga ahensya ng pamahalaan.


Kaya marahil, nanawagan na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na panatilihing simple ang kanilang pagdiriwang ng Pasko ngayong taon bilang pakikiisa sa mga biktima ng mga nagdaang bagyo.


Sa isang pahayag sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na alinsunod sa panawagan ng ating Pangulo, hinihimok nila ang lahat ng government agencies na iwasan ang mga magagarbong pagdiriwang ngayong Pasko.


Ito aniya ay bilang pakikiisa sa milyun-milyong kababayan natin na patuloy na nagdadalamhati hinggil sa mga buhay, tahanan at kabuhayang nawala sa mga panahon kung saan anim na bagyong humagupit sa bansa sa loob ng wala pang isang buwan. 


Ayon kay Bersamin naniniwala naman sila sa kabaitan ng mga kapwa manggagawa sa gobyerno, na lubos din nilang pinagkakatiwalaan na maaaring gawing makiisa sa pagtitipid sa kanilang mga pagdiriwang. Gayundin aniya, hinihikayat nila sila na anumang savings o naipon na nagmula dahil sa kanilang mga simpleng pagdiriwang lamang ay ibigay o i-donate sa mga komunidad na tinamaan ng kalamidad. 


Binigyang-diin naman ng opisyal na sa panig ng gobyerno ay sisiguraduhin nila na ang diwa ng Pasko ay maagang mararamdaman ng lahat ng mga apektadong lugar sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga relief goods at tulong, ng mga imprastruktura na itatayong muli, at ng mga kabuhayan na maibalik.


Marahil, tama lamang na mas unahin nating tulungan ang ating mga kababayang binagyo na sila ay makabangong muli sa halip na magsagawa pa tayo ng malalaking parties na lubhang magastos.


Maipagdiriwang naman siguro nating lahat ng simple subalit makabuluhan ang Kapaskuhan na hindi na kailangang maglaan pa ng napakalaking halaga para rito at kung kakayanin ay makapag-donate din tayo bilang regalo para sa kanila. 


Sana ay makiisa ang lahat, hindi lang ng mga ahensya ng gobyerno kundi pati na rin ng mga pribadong kumpanya at iba pa, sa panawagang ito.  

Isipin na lamang natin na magbigay para sa kanila na siyang diwa naman talaga ng Pasko.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page