ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Pebrero 21, 2024
Hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ngayon ang tungkol sa aking hinahangaan at pinagpipitagang kaibigan na si Dr. Jaime Aristotle Alip.
Para sa mga hindi nakakakilala sa kanya, siya ang founder ng Center for Agriculture and Rural Development Mutually Reinforcing Institutions o CARD MRI na ang misyon ay ibsan ang kahirapan ng ating mga mamamayan.
Ang organisasyong ito ay ginawaran ng prestihiyosong Ramon Magsaysay Award ilang taon na ang nakalipas dahil sa nagawa nitong makabuluhang pagtulong sa maraming mahihirap na pamilyang Pilipino.
Sa aking pagbisita kay Dr. Alip noong Huwebes sa San Pablo, Laguna ay napag-alaman kong may 9.2 milyong pamilyang Pilipinong miyembro na pala ang kanyang sinimulang adhikain at may katumbas na 28 milyong Pinoy na rin ang nakaseguro o insured at may maaasahan sa gitna ng biglang pangangailangan.
Minarapat ko itong talakayin ngayon sapagkat nais kong maiparating sa ating mga mambabasang mahihirap na mayroon kayong maaaring magawa para unti-unting mabago ang inyong buhay at kalagayan, at kalaunan ay hindi na laging mamomroblema kung saan kukuha ng pagkain sa araw-araw o ng gagastusin sa biglaang pangangailangan.
Para sa ating mga kababayang mahihirap na ayaw na lagi na lamang namamalimos ng tulong sa gobyerno at hindi gustong umasa na lamang sa dole-out na kulang na kulang, humanap tayo ng mga sasapiang organisasyon tulad ng aking nabanggit na makatutulong para alalayan tayo sa ating pangarap na magkaroon ng mas maiging buhay.
Isa sa mga problema ng mga mahihirap na nangangarap na magkaroon ng pagkakakitaan o kabuhayan ay ang kawalan ng puhunan at kaalaman. Talaga namang napakahigpit ng mga bangko sa pagpapautang at kapag walang kolateral ang nangungutang ay hindi ka mapapagbigyan.
Kaya rin hindi makaahon sa kahirapan ang ating mga kababayan ay dahil sa umaasa lamang sila sa maliit na kita bilang trabahante o empleyado at hindi rin naman sila shareholder ng kumpanyang pinaglilingkuran.
Kapag napabilang ang isang mahirap sa isang makabuluhang organisasyon tulad ng itinatag ni Dr. Alip, hindi lamang siya magkakaroon ng access sa pautang para magamit niyang puhunan kundi magiging shareholder din siya ng kanyang sinalihang magbibigay ng buhos na suporta sa kanyang nais marating sa buhay.
Dahil sa rami ng natulungan at napabilib ng sistema sa CARD MRI, lumawak na ito hanggang sa buong bansa, kasama na sa Metro Manila. Ang target na matulungan nito ay ang pinakamahihirap na gustong umangat.
“Ang kahirapan ay bunsod ng kawalan ng kontrol sa resources o mga pinagkukunan,” paliwanag ni Dr. Alip.
Kailanman, hindi sapat ang doleout o ayuda para makaalagwa ang mga mahihirap. Hindi malalim at sapat na pagtulong ang abutan na lamang sila nang abutan. May kasabihan nga, “Bigyan mo ng isda ang isang tao at kakain siya ng isang araw. Turuan mo siyang mangisda at makakatawid siya habambuhay.”
Kailangang magkaroon ng kabuhayan ang ating mga mahihirap na kababayan na kanilang mapapalaki at kalaunan ay mag-aahon sa kanila sa isang kahig at isang tukang kalagayan. Asintaduhin natin ang kanilang kapakanan!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments