by Info @Editorial | Feb. 5, 2025
Aabot sa 76 na nakaw na sasakyan ang narekober ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) nitong Enero, 2025.
Bunsod ito ng pinaigting na operasyon ng PNP-HPG kontra vehicle theft na kanilang sinimulan noong unang araw ng taon.
Sa 76 na narekober na sasakyan, 59 ay pawang mga kotse at SUV habang 17 naman
ang motorsiklo.
Samantala, sa crackdown naman sa carnapping syndicates, nakaaresto sila ng 45 katao na sangkot sa vehicle theft at 14 na criminal cases na ang naisampa. Umaasa tayo na mas paiigtingin pa ang pagtugis sa mga tulad nila.
Kaugnay nito, mahalaga ring magkaroon ng kaalaman ang publiko laban sa carnapping.
Ang paggamit ng mga makabagong teknolohiya, tulad ng GPS tracking at security systems, ay makatutulong upang mapabilis ang pagtugis at pag-aresto sa mga suspek.
Gayunman, hindi sapat ang hakbang na ito kung hindi magiging masigasig ang ating buong komunidad sa pagtutok at pagtulong sa pagpapairal ng batas.
Dapat ay patuloy ang pakikipagtulungan ng bawat isa — mula sa mga otoridad hanggang sa mga ordinaryong mamamayan — upang matigil ang lumalalang problema ng carnapping at mapanatili ang kaligtasan ng bawat isa.
Comments