top of page
Search
BULGAR

Pagtiyak na walang hawaan ‘pag nag-MGCQ, ‘wag lang iasa sa LGUs!

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 22, 2021



Hindi pa man pinal ang desisyon kung isasailalim sa modified general community quarantine (MGCQ) ang bansa sa susunod na buwan, kani-kanyang payo na ang mga eksperto at ilang ahensiya ng pamahalaan sa taumbayan, partikular sa mga lokal na pamahalaan.


Kaugnay nito, sinabihan ng Department of Health (DOH) ang local government units (LGUs) na mag-level up sa COVID-19 response sakaling matuloy ang pagluluwag ng quarantine.


Dagdag pa ng ahensiya, alam na dapat ng mga lokal na pamahalaan kung paano reresponde sa pandemya, luwagan man o hindi ang quarantine restrictions.


Matatandaang sa kabila ng pagiging sentro ng pandemya at matagal na pagdadalawang-isip, mayorya ng NCR mayors ang pabor sa pagsailalim ng buong bansa sa MGCQ upang umusad ang ekonomiya.


Gayunman, nagbabala ang health experts at ilang alkalde na possible itong maging sanhi ng muling pagtaas ng COVID-19 cases at nanindigang dapat munang hintayin ang bakuna.


Sa totoo lang, malaki ang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagtugon sa pandemya, pero aminin na natin, hindi lamang sila ang dapat nating asahan dahil ang nasyonal na pamahalaan ay may dapat ding gawin. Kumbaga, ‘wag lang ipasa sa mga LGU ang responsibilidad, galaw-galaw din dahil ‘ika nga, “We Heal as One”.


Mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) noong Marso ng nakaraang taon, kapansin-pansing napakarami nang nagawa ng ating mga alkalde.


Kani-kanilang diskarte upang makakuha ng pondo para patuloy na makapagbigay ng ayuda, kani-kanyang kilos para mapabilis at maging epektibo ang contact tracing at ngayon, todo-kayod para makakuha ng bakuna.


Oras na luwagan ang quarantine restrictions, napakaraming magbabago. Asahan na nating mas maraming tao sa labas, lalo na ang mga bata, kaya plis lang, palakasin pa ang puwersa ng ating mga barangay tanod o kapulisan upang matiyak na nasusunod ang health protocols.


Isa pa, dapat lang din na paghandaan, hindi lang ng LGUs kundi pati ang nasyonal na pamahalaan, ang mga puwedeng mangyari sakaling matuloy ang hakbang na ito.


Nakakabilib din dahil kitang-kita naman ang mga pagsisikap ng ating mga lokal na pamahalaan, kaya hangad nating magtuluy-tuloy pa ito hanggang malampasan natin ang pandemya.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page