ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| July 13, 2020
Bigyang-daan natin ang pagpapatuloy ng mga bagay na kailangang gawin ng tao, may COVID-19 pandemic man o wala.
Para mabigyang-diin natin ang isa sa simpleng Law of Success, ulitin natin ang ating nabanggit sa nakaraang isyu. Ikaw ay tumingin sa malayo, gawin mong ugali ang pagtingin sa malayo, kumbaga, isabuhay mo ito.
Bakit? Dahil isang katotohanan na ang kahulugan ng “Malayo ang mararating ng tao” ay nangangahulugan na siya ay magiging matagumpay sa kanyang buhay.
Samantala, ang pagtingin sa ibaba ay nagsasabing ang taong ito ay nalulungkot dahil kahit sino ang nalulungkot, sa ayaw o sa gusto niya ay mas madalas, nakatutok ang mga mata niya sa ibaba.
Ito rin ang nangyayari sa mga bigo sa buhay kung saan tanggap nila na sila ay bigo. Minsan pa nga, ang mga bigo ay hindi lang sa ibaba nakatingin kundi hawak-hawak pa ang ulo na parang siya ay wala nang magagawang paraan para hindi mabigo.
Huwag kang susuko, ituloy mo ang laban dahil ang mga kabiguan ay pansamantala lang. Sabi nga, “Failure is temporary,” sabi rin ng marami, ang failure ay isang postponed success lang.
Kaya kahit mabigo ka, itaas mo pa rin ang leeg mo, itaas mo rin ang noo mo at ang mismong ulo ay itaas mo at sa tumingin ka sa malayo. Ito ang nagsasabing hindi ka puwedeng mapabilang sa mga suko na dahil lalaban ka pa.
Mas magandang makaugalian na ang tao ay nakatingin sa malayo. Ang totoo nga, kapag may problema, kusang napapatingin sa malayo at ang nakakagulat, hindi katagalan ay makakahanap na ng solusyon sa problema kahit gaano pa ito kabigat.
Ang pamamaraang ito ay subok na ng mga namamahala sa malalaking kumpanya. Sila na mga nakatataas at humahawak ng mabibigat na obligasyon ay sa totoo lang ay isinasabuhay ang pagtutok ng mga mata sa malayo.
Subukan mo. Sa simula, tumingin ka sa malayo at makikita mo na biglang magbabago ang iyong mundo, magiging positibo ka at sino nga ba ang hindi nakaaalam na ang isa sa susi ng success ay ang “Be positive!”
Samantala, ang mga taong sa gilid tumitingin habang nakikipaglaban sa hamon ng kapalaran ay hinuhusgahan ng mga nanonood na papatakas na, as in, tatakas na dahil ito mismo ang ibig sabihin ng tingin nang tingin sa gilid at aayaw na sa laban.
Parang mahirap paniwalaan, pero ito ay aktuwal na nangyayari sa mga labanan kung saan ang nasa gitna o referee, kapag nakitang tumitingin na sa gilid ang isa sa naglalaban, ito ay aayaw na.
Ganito rin ang katotohanan sa labanan ng cockfighting kung saan ang panabong na biglang tumingin sa gilid at hindi na tumitingin sa kalaban ay idideklarang aatras na sa laban.
Kaya muli, wala nang mas maganda pa na isabuhay ng tao ang dapat sa malayo nakatingin dahil ito mismo ay nagsasabing muli, malayo ang kanyang mararating kung saan siya ay magiging matagumpay sa kanyang buhay.
Itutuloy
Comments