ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 31, 2023
Noong Lunes, May 29, naipasa sa third and final reading sa Senado ang Senate Bill No. 2212 na layuning magtatag ng mga special centers sa bawat rehiyon sa buong bansa.
Inisponsoran natin ang naturang panukala, at isa tayo sa may-akda.
Sa aking pag-iikot sa buong bansa, hindi kaila sa akin kung gaano kahirap para sa mga mahihirap nating kababayan sa mga probinsya, lalo na ‘yung mga may sakit sa puso, baga, kidney at iba pa, ang makakuha ng specialized medical services.
Ito ay dahil karamihan sa mga specialty centers natin ay nasa Maynila. Kailangan pang gumastos ng malaki ng mga kababayan nating nasa probinsya para lang magpagamot sa mga specialty centers na ito. Kasama na riyan ang mahabang biyahe, gastos sa kanilang titirhan at mahal na pamasahe, pagkain at iba pang bilihin habang nasa Maynila. Kung kaya marami sa kanila ay ayaw na lang magpagamot at ang iba ay namamatay na lang nang hindi nabibigyan ng kaukulang lunas.
Itong panukalang magtayo ng regional specialty centers ay isang paraan para mailapit natin ang serbisyo medikal sa ating mga kababayan, lalung-lalo na ang mga mahihirap.
Ang kanilang mga karanasan at istorya ang nagtulak sa amin para lumikha ng mga polisiya at programa tungo sa healthcare system na mapagmalasakit, abot-kamay at nakadisenyo para matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino.
Kabilang sa mga author ng panukalang batas sina Senate President Migz Zubiri, Senate Majority Floor Leader Joel Villanueva, Senators Sonny Angara, JV Ejercito, Pia Cayetano, Jinggoy Estrada, Imee Marcos, Robin Padilla, Win Gatchalian, Francis Escudero, Ronald dela Rosa, Ramon Revilla Jr., Cynthia Villar, at Loren Legarda. Co-author din sina Senators Francis Tolentino, Raffy Tulfo, Risa Hontiveros, Lito Lapid, Grace Poe, Mark Villar, Alan Cayetano, Nancy Binay, at Koko Pimentel.
Kabilang din ito sa mga priority measures ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at nakapaloob sa Philippine Development Plan 2023-2028.
Kung magiging ganap na batas, sisikapin ng pamahalaan na magtatag ng specialty centers sa mga regional hospitals ng Department of Health sa loob ng limang taon. Ang mga specialty centers na ito ay magkakaroon ng mga serbisyo na maihahalintulad sa mayroon ang Philippine Heart Center, Philippine Kidney Center, National Kidney Transplant Institute, at iba pang specialty hospitals.
Kapag operational na ang mga itatayong specialty centers sa mga rehiyon, ang pasyente ay hindi na kailangang bumiyahe sa Metro Manila para lang makapagpagamot sa nabanggit na mga specialty hospitals, at hindi na nila poproblemahin pa ang dagdag na gastos gaya ng pamasahe at kung saan tutuloy pansamantala.
Itatakda rin ang mga pamantayan sa pagtatatag ng specialty centers katulad ng assessment sa pangangailangang pangkalusugan, demand batay sa laki ng populasyon, geographical access sa mga pagamutan, ang papel ng ospital bilang referral center, availability ng mga specialized healthcare professionals, at operational and financial performance ng ospital. Para naman matiyak ang kalidad ng serbisyong ipagkakaloob ng mga specialty centers, makikipag-ugnayan ang DOH sa National Specialty Centers para makapagbigay ng kaukulang pagsasanay, mga ekspertong tauhan at specialist equipment.
Sa aking naging manipestasyon sa plenaryo ay nagpasalamat ako sa aking mga kapwa authors at co-sponsors, at sa lahat ng aking kapwa mambabatas na sumuporta sa SBN 2212. Patunay ito ng aming walang humpay na dedikasyon, at sama-samang pananaw na dapat mas mapapalakas pa ang ating healthcare system para sa mas mabilis, episyente at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan sa lahat ng Pilipino.
Nagpasalamat din tayo sa DOH sa kanilang suporta at pakikiisa upang maipasa ang panukalang ito. Umaasa akong patuloy ang magiging pagtutulungan ng mga kapwa ko mambabatas at ng ehekutibo upang sapat na mapondohan ang specialty centers para mas marami ang maitayo sa lahat ng rehiyon, at masiguro natin na magiging maayos ang implementasyon nito.
Kaugnay ng paglalapit sa tao ng serbisyo mula sa gobyerno, tuluy-tuloy rin ang ating paghahatid ng tulong sa ating mga kababayan sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa.
Bilang adopted son ng CALABARZON region, masaya tayong nakabisita sa Quezon noong May 28 para magsagawa ng inspeksyon sa itatayong Sariaya Super Health Center. Nag-inspeksyon din tayo sa ginawang konkretong daan sa loob ng compound ng bagong Local Government Complex na ating sinuportahang mapondohan noon.
Personal din nating pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong para sa 1,000 mahihirap na taga-Sariaya.
Dumaan din tayo sa Lucena City at nagsagawa ng relief activity para maalalayan ang 1,500 mahihirap na pamilya roon. Nakisaya tayo sa idinaos na Pasayahan Festival at pagkatapos ay nag-inspeksyon sa itinatayong Lucena City Promenade by the Bay and seawall project sa Brgy. Talao-Talao. Ilan lamang ang mga ito sa mga proyekto sa Lucena City na naging instrumento tayo para maisakatuparan.
Nasa Negros Occidental naman tayo noong May 27 para saksihan ang groundbreaking ceremony ng itatayong Escalante Super Health Center. Matapos ito ay pinangunahan naman natin ang pamamahagi ng tulong para sa 2,000 mahihirap na residente sa lugar na kinabibilangan ng mga mangingisda, trisikad at tricycle drivers, solo parents, person with disabilities (PWDs) at mga senior citizens. Sinaksihan din natin ang 25th Manlambus Festival kung saan tampok ang carabao race, at nag-abot ng tulong sa 200 na nag-aalaga ng kalabaw.
Muli namang naglibot ang aking opisina para alalayan ang ating mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis. Napagaan natin ang dalahin ng limang nasunugan sa Malagapas, Cotabato City; at tatlong pamilya sa Catbalogan City, Samar. Nagsasagawa rin tayo ngayon ng serye ng pamamahagi ng tulong para sa mga residente ng Banate, Iloilo na ang kabuhayan ay naapektuhan noon ng bagyong Agaton, kung saan sa unang dalawang araw nito ay nakapaghatid na tayo ng tulong sa 2,477 pamilya.
Hindi rin naman natin kinaligtaang maayudahan ang 420 mahihirap na residente ng Cabanatuan City, Nueva Ecija; 1,000 sa Marawi City, Lanao del Sur; 40 Datu Chieftains sa Island Garden City of Samal, Davao del Norte; at 233 pa sa San Luis, Aurora province.
Pinuntahan din ng aking staff ang groundbreaking ng Super Health Center sa bayan ng Socorro, Surigao del Norte, at namahagi ng ayuda sa 500 indigents na mga residente.
Samantala, nitong May 30 ay personal nating dinaluhan ang pagtitipon ng Philippine Councilors League - Western Samar Chapter sa isang hotel sa Maynila.
Magkaiba man kami ng posisyon ngunit pare-pareho naman kami ng trabaho bilang legislator.
Kaya naman ang palaging pakiusap ng inyong lingkod sa mga kapwa ko public servants na wag limitahan ang kanilang trabaho sa paggawa ng batas, bagkus ay maging bukas sila sa pagtulong sa mga kababayan nating mga nangangailangan lalo na ang mga helpless at mga hopeless.
Ipagpatuloy natin ang pagkakaisa para patuloy na marinig ang boses ng bawat Pilipino lalo na ang mga mahihirap at walang ibang matakbuhan. Sama-sama tayong magtrabaho para sa ikagaganda at ikauunlad ng ating mga komunidad. Bilang mga lingkod bayan, sikapin nating ilapit sa tao ang serbisyong dapat, tapat, at may pagmamalasakit sa kanilang mga pangangailangan.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments