ni Ryan Sison @Boses | Dec. 7, 2024
Matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang Ligtas Pinoy Centers Act at ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters Emergencies Act, pinamamadali na nito ang pagtatayo ng mga permanenteng storm-resilient evacuation centers.
Kaya naman inatasan na niya ang Department of Public Works and Highway (DPWH) hinggil dito upang isagawa sa mga lugar na itinuturing na prone disaster areas sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa.
Ayon kay PBBM, kailangang masiguro na ang mga evacuation center ay sapat na tumutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan na naapektuhan ng mga kalamidad at iba pang mga emergency. Mahalaga rin aniya na magkaroon ng mga permanenteng evacuation center upang hindi na gamitin pa ang mga paaralan.
Aminado si PBBM na matagal nang suliranin ang paggamit ng mga eskwelahan para gawing evacuation center na nakakaapekto sa mga mag-aaral at nakahahadlang sa kanila upang maitaguyod ang kanilang pagkatuto at pagiging malikhain nila.
Pinatitiyak naman ng Pangulo sa DPWH na ang mga itatayong evacuation centers ay dapat naaayon sa required minimum standards, kabilang dito ang National Building Code at kinukonsidera ang pangangailangan ng mga LGU.
Siniguro rin niya sa Department of Education (DepEd) na ang mga paaralan ay magiging sentro na lamang ng pagpapabuti at kapakanan ng mga mag-aaral.
Kaugnay sa isang pang batas, iniutos na ng Pangulo sa Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na ibigay ang lahat ng uri ng tulong sa mga estudyante para matiyak na ang kanilang mga problemang pinansyal ay hindi magiging hadlang upang makapagtapos sila sa kanilang pag-aaral.
Salamat at ganap nang batas ang tungkol sa pagpapatayo ng mga permanenteng evacuation center sa iba’t ibang lugar sa ating bansa.
Dahil dito ay hindi na magiging mahirap at mabigat para sa ating mga kababayan sakali mang dumating ang mga emergency, sakuna at matinding kalamidad.
Kumbaga, hindi na sila magtitiis pa na manuluyan sa mga paaralan na pansamantalang evacuation sites o mga tent lamang kapag nanalasa na ang bagyo sa kanilang lugar.
Magkakaroon na sila ng maayos at matinong matitirhan sa panahon na kailangang-kailangan nilang lumikas sa kanilang mga tahanan.
Sa kinauukulan, sana ay patuloy na unahin ang kapakanan ng mga mamamayan bago ang sariling interes, nang sa gayon ay mapabuti naman ang kanilang kalagayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments