ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Marso 20, 2024
Dear Chief Acosta,
Kamakailan ko lamang nalaman na mali ang kasariang nakasaad sa aking birth certificate. Ako ay babae ngunit “male” ang nailagay sa aking birth certificate. Ang sabi ng lola ko, marahil ay nagkamali diumano sa ospital kung saan ako ipinanganak.
Dahil sa spelling ng pangalan ko, maaaring napagkamalan diumano ng nagtatala na lalaki ako. Hindi na rin diumano napuna ng lola ko ang naturang mali dahil sa kasamaang-palad ay pumanaw ang nanay ko noong ako ay ipinanganak, kaya litong-lito diumano siya noong mga panahon na iyon.
Sa ngayon ay nag-aasikaso ako ng mga papeles ko sa pangingibang-bansa at napakalaking abala kahit na isang impormasyon lamang ang mali sa aking birth certificate. Kung sakaling ipapatama ko ang kasarian ko sa aking birth certificate, saan ba ito ihahain? Maaari bang ang lola ko na lang ang maglakad? May trabaho kasi ako at hangga’t maaari ay ayaw ko sanang lumiban. Sana ay malinawan ninyo ako. – Casey
Dear Casey,
Alinsunod sa Republic Act (R.A.) No. 10172, na inamyendahan ang probisyon ng R.A. No. 9048, maaari nang maipatama sa ating civil register ang clerical o typographical errors sa birth certificate, at iba pang katulad na tala. Kabilang na rito ang maling pagkakatala ng kasarian. Nakasaad sa Section 1 ng nabanggit na batas:
“SECTION 1. Section 1 of Republic Act No. 9048, hereinafter referred to as the Act, is hereby amended to read as follows:
SECTION 1. Authority to Correct Clerical or Typographical Error and Change of First Name or Nickname. – No entry in a civil register shall be changed or corrected without a judicial order, except for clerical or typographical errors and change of first name or nickname, the day and month in the date of birth or sex of a person where it is patently clear that there was a clerical or typographical error or mistake in the entry, which can be corrected or changed by the concerned city or municipal civil registrar or consul general in accordance with the provisions of this Act and its implementing rules and regulations.”
Nakasaad naman sa Administrative Order No. 1, Series of 2012 ng Office of the Civil Registrar General, o mas kilala bilang Rules and Regulations Governing the Implementation of Republic Act No. 10172 ang mga sumusunod:
“Rule 3. Who may file the petition.
3.1. For correction of entry on the day and/or month in the date of birth:
Any person of legal age, having direct and personal interest in the correction of a clerical or typographical error in the day and/or month in the date of birth of a person in the civil register for birth, may file the petition.
A person is considered to have direct and personal interest when he is the owner of the record, or the owner's spouse, children, parents, brothers, sisters, grandparents, guardian, or any other person duly authorized by law or by the owner of the document sought to be corrected; x x x
3.2. For correction of a clerical or typographical error in sex:
The petitioner affected by such error shall personally file the petition with the civil registry office where the birth certificate is registered.
Rule 4. Where to file the petition x x x
4.2. For correction of clerical and typographical error in the entry of sex:
The verified petition shall be filed, in person, with the C/MCR of the city or municipality or the Philippine Consulate, as the case may be, where the record containing the entry of sex in the birth certificate to be corrected is registered.”
Mababanaag sa nabanggit na alituntunin sa itaas na bagaman pinapayagan na maghain ng petisyon ang sinumang nasa hustong gulang na mayroong direkta at personal na interes sa pagtatama ng tala, maliban sa mismong may-ari ng naturang tala, limitado lamang ang kanilang kakayahan na gawin ito sapagkat maaari lamang na sila ang maghain ng petisyon kung ang mali sa tala ng kapanganakan ay tumutukoy sa araw o buwan ng kapanganakan. Kung ang mali sa tala na nais ipatama ay patungkol sa kasarian, kinakailangan na ang taong apektado sa nasabing mali ang maghahain ng petisyon.
Sa iyong sitwasyon, dahil ang pagkakamali sa iyong birth certificate ay tumutukoy sa iyong kasarian, pinakamainam na ikaw ang personal na maghain ng petisyon sapagkat walang duda, at tulad na rin ng nabanggit mo, na ikaw mismo ang apektado sa naturang pagkakamali. Kung ibang tao ang maghahain nito para sa iyo ay kinakailangan na makumbinsi ang local civil registrar o ang konsulada na ang nasabing nagpepetisyon ay apektado sa pagkakamali sa iyong tala. Kung hindi makumbinsi ay maaaring mabasura lamang ang petisyon at kaakibat nito ang pag-aaksaya ng filing fee, publication at iba pang gastos, at pagod na inilaan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments