ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Feb. 27, 2025

Dear Chief Acosta,
Noong nakaraang linggo, pinara ako ng isang pulis habang ako ay nagmamaneho. Pinaghinalaan niya akong nagmamaneho habang nakainom sapagkat medyo mabilis ang aking takbo. Pinilit niya akong sumailalim sa isang field sobriety test upang kumpirmahin ito. Pumayag naman ako na kuhanin ito. Nang lumabas ang resulta, napatunayan niya na hindi ako nakainom. Kung sakaling mangyari ulit ang sitwasyong ito, maaari ko bang tanggihan ang nasabing pagsusuri? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat.
— Mark Christian
Dear Mark Christian,
Isa sa mga mandato ng estado ang pagbibigay ng proteksyon sa buhay, kalayaan, at pag-aaari ng mga mamamayan. Dahil dito, idineklarang patakaran ng Estado ang pagtitiyak ng kaligtasan ng ating mga kalsada, sa pamamagitan ng responsableng at etikal na pagmamaneho.
Ang Republic Act (R.A.) No. 10586 o mas kilala bilang “Anti–Drunk and Drugged Driving Act of 2013” ay nagbabawal sa pagmamaneho habang nasa ilalim ng impluwensya ng alak, ipinagbabawal na droga, at iba pang mga intoxicating substances. Ayon sa Section 5 ng nasabing batas:
“Section 5. Punishable Act. – It shall be unlawful for any person to drive a motor vehicle while under the influence of alcohol, dangerous drugs and/or other similar substances.”
Ang nasabing batas ay nagbibigay din ng awtoridad sa isang law enforcer na magsagawa ng field sobriety tests, kung may mga maliwanag na indikasyon ng pagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng alak o droga. Ayon sa Section 6 ng parehong batas:
“Section 6. Conduct of Field Sobriety, Chemical and Confirmatory Tests. – A law enforcement officer who has probable cause to believe that a person is driving under the influence of alcohol, dangerous drugs and/or other similar substances by apparent indications and manifestations, including overspeeding, weaving, lane straddling, sudden stops, swerving, poor coordination or the evident smell of alcohol in a person’s breath or signs of use of dangerous drugs and other similar substances, shall conduct field sobriety tests.”
Binibigyang-diin din ng nasabing batas ang maaaring kahinatnan ng sinumang tatanggi sa nasabing pagsusuri. Ayon sa Section 8:
“Section 8. Refusal to Subject Oneself to Mandatory Tests. – A driver of a motor vehicle who refuses to undergo the mandatory field sobriety and drug tests under Sections 6, 7 and 15 of this Act shall be penalized by the confiscation and automatic revocation of his or her driver’s license, in addition to other penalties provided herein and/or other pertinent laws.”
Upang sagutin ang iyong katanungan, ang sinumang drayber na tatanggi sa mandatory field sobriety test ay maaaring parusahan ng pagkakumpiska at awtomatikong pagbawi ng kanyang lisensya. Bukod dito, maaari rin siyang humarap sa iba pang mga parusang ipinapataw ng ibang nauugnay na batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments