top of page
Search
BULGAR

Pagtanggal sa administrator ng mga ari-arian ng yumaong pinautang

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 4, 2023


Dear Chief Acosta,


Ako ay nagpahiram ng pera noon, at ang aking pinahiram ay namayapa na pala.


Napag-alaman ko rin na ang namamahala ng kanyang mga ari-arian ay ginagastos na rin ang kanyang mga naiwang yaman. Maaari ko bang kuwestiyunin ang namamahala ng iniwan niyang mga ari-arian sapagkat parang nag-uubos ito ng yaman ng yumao para lamang hindi ako mabayaran? - Adolfo


Dear Adolfo,


Para sa iyong kaalaman, ang sagot sa iyong katanungan ay tinalakay ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kaso ng Hilado vs. Court of Appeals (G.R. No. 164108, May 8, 2009), na isinulat ni Kagalang-galang na Dating Mahistrado Dante O. Tinga, kung saan ipinaliwanag na:


“Concerning complaints against the general competence of the administrator, the proper remedy is to seek the removal of the administrator in accordance with Section 2, Rule 82 (Rules of Court). While the provision is silent as to who may seek with the court the removal of the administrator, we do not doubt that a creditor, even a contingent one, would have the personality to seek such relief.”


Sang-ayon sa nabanggit, ang isang creditor ay mayroong karapatang humiling sa korte na tanggalin ang namamahala ng naiwang ari-arian ng pumanaw na taong may utang sa kanya sapagkat siya ay may interes sa nasabing ari-arian na katumbas sa halaga ng kanyang ipinautang. Kaugnay dito, sang-ayon sa Section 2, Rule 82 ng Rules of Court, ang isang tagapamahala ay maaaring tanggalin sa kanyang posisyon sa pamamagitan ng paghahain ng petisyon sa korte na siyang magdedesisyon kung ang nasabing tagapamahala ay tatanggalin o papayagang bumitaw sa kanyang puwesto. Maaari mo itong gawin sa iyong sitwasyon upang maprotektahan ang iyong interes na mabayaran sa 'yo ang utang ng yumao.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page