ni Lolet Abania | November 14, 2021
Inirekomenda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-require ang pagsusuot ng face shield para sa partikular na alert level, ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Gayunman, tumangging magbigay ng iba pang detalye si DILG Secretary Eduardo Año dahil sa ang naturang rekomendasyon ay naghihintay pa ng pag-apruba ni Pangulo Duterte.
“Ang masasabi ko lang ang rekomendasyon ang IATF ay tanggalin ang face shield except du’n sa isang partikular alert level at saka may provision doon na local chief executive na puwedeng mag-impose sa certain alert level,” sabi ni Año sa isang interview ngayong Linggo.
Ayon kay Año, inaasahan naman ang pahayag ni Pangulong Duterte hinggil sa face shield policy bukas, Nobyembre 15.
Matatandaang may mga mayors sa Metro Manila at ilang local executives, maging si Davao City Mayor Sara Duterte ay nag-drop na ng kanilang mandatory face shield policy dahil sa ang bilang ng mga COVID-19 cases sa kanilang lugar ay bumaba na rin.
Gayunman, nagbabala ang Malacañang sa mga mayors sa pagsuway ng mga ito sa polisiya ng IATF hinggil sa pagre-require sa mga face shields dahil sa ang pahayag ng task force ay desisyon din ng Pangulo.
Comments